Manila (Disyembre 8, 2014) – Siniguro ngayon ng kinatawan ng Unang Distrito ng Camarines Norte na si
Congresswoman Dra. Catherine Barcelona – Reyes ang ginagawa niyang regular na close-monitoring sa kanyang mga nasasakupan kaugnay sa epekto ng Bagyong Ruby.
Sa isang panayam, sinabi ng kongresista na bagama’t kasalukuyan siyang nasa Metro Manila dahil sa kanilang sesyon sa Mababang Kapulungan ay tuloy-tuloy naman umano ang kanyang koordinasyon sa kanyang tanggapan sa Bayan ng Talisay upang kumustahin ang sitwasyon ng mga Lokal na Pamahalaan sa Unang Distrito.
Ayon pa kayo Congw. Cathy, kasalukuyan din umanong nakikipag-ugnayan ang kanyang tanggapan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) hinggil sa mga relief goods na nakatakda nilang ipamigay sa mga naapektuhan ng Bagyong Ruby, sa pakikipagtulungan na rin ng DSWD – Region V.
Sa ngayon umano ay personal na tulong ang kaniyang ipaaabot sa mga bayan na mayroong naitalang mga barangay na naapektuhan ng bagyo. Kasama rin anya sa ipamamahagi ay mga gamot at pack of goods.
Dagdag pa ng kongresista, nakatakda rin umano siyang bumalik sa lalawigan sa mga susunod na raw upang personal na tumulong at makita ang naging epekto ng kalamidad sa mga barangay.
Nanawagan din ang kinatawan sa mga kapitan ng mga barangay sa Unang Distrito na huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa kanyang tanggapan kung sakaling mangangailangan ng ayuda ang kanilang lugar.
Nagpaalala rin ito sa kanyang mga kababayan na magdasal at pag-ibayuhin pa ang ginagawang pag-iingat nang sa gayon ay ligtas na malampasan ang mga ganitong uri ng kalamidad.
Ang Unang Distrito ng Camarines Norte ay binubuo ng mga bayan ng Sta. Elena, Capalonga, Paracale, Jose Panganiban, Labo, at Vinzons.
(photo credits: www.facebook.com/Congw.CathyBarcelonaReyes)
Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News