Daet, Camarines Norte (Disyembre 10, 2014) – Mahigit 15,000 pamilya ang inilikas sa mga evacuation center at naapektuhan sa lalawigan ng Camarines Norte sanhi ng hangin at pag-ulan dulot ng bagyong Ruby.
Batay sa inisyal na ulat ng tanggapan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ng pamahalaang panlalawigan, umaabot sa 7, 976 pamilya katumbas ng 31,204 na indibidwal ang inilikas sa mga evacuation center dito.
Samantalang apektado naman ang 7,870 pamilya o 39,350 ang nasa labas ng evacuation center na naapektuhan ng gale warning at nasira ang kanilang mga pananim ganundin ang mga tahanan na nasa delikadong lugar na mayroong pagguho ng lupa.
Sa pangkalahatan, ito ay umaabot sa kabuuang 15,846 na pamilya o 70,554 na personahe ang naapektuhan ng naturang bagyo ayon sa ulat ng naturang tanggapan at naiulat din dito ang dalawang nasugatan sa bayan ng Mercedes.
Sa ngayon ay naghihintay pa rin ang tanggapan ng PDRRMO para sa mga huling ulat o terminal report ng mga MDRRMO sa mga lokal na pamahalaan ng lalawigan.
Ang tanggapan naman ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ay nagsasagawa ngayon ng pagtatala ng mga naapektuhang mga produktong agrikultura kabilang na ang mga gulayin, pangisdaan at mga palayan ganundin ang mga naapektuhang mga magsasaka.
MAHIGIT P7 MILYON HALAGA NG MGA PRODUKTONG AGRIKULTURA SA CAMARINES NORTE, NAPINSALA!
Samantala, umaabot naman sa mahigit P7 milyon halaga ng mga produktong pang-agrikultura sa lalawigan ng Camarines Norte ang napinsala matapos na sumalanta ang bagyong Ruby.
Sa inisyal na ulat na ipinalabas ngayong umaga ng tanggapan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ng pamahalaang panlalawigan, ito ay may kabuuang P7,127,288.30 ang napinsala kung saan 1,897 na mga magsasaka ang naapektuhan ng naturang bayo.
Kabilang sa mga napinsalang mga produktong agrikultura ang palay na mahigit P3 milyon; ibat-ibang gulay P192,000 samantalang mahigit P107,000 naman sa pangisdaan.
Kabilang pa sa hanapbuhay at pinagkakakitaan ng mga magsasaka ang napinsala ng bagyo ang cassava, saging at ibat-ibang uri ng prutas.
Maliban pa dito ay nasira rin ang mga makinarya ng samahan ng mga magsasaka katulad ng patuyuan ng palay, gawaan ng organikong abono at taniman ng mga high value crops na umaabot naman sa mahigit P3 milyon.
Ayon kay Acting Provincial Agriculturist Helen Abordo ng OPAg, ang naturang ulat ay kanilang isusumite sa Department of Agriculture (DA) upang mabigyan at sumailalim ito sa rehabilitation program.
Samantala, patuloy pa rin ang naturang tanggapan sa isinasagawang monitoring para sa mga karagdagang ulat sa mga napinsalang pang-agrikultura dulot ng bagyong Ruby.
Reyjun Villamonte
Camarines Norte News