Paracale, Camarines Norte (Disyembre 12, 2014) – Kulungan ang kinahantungan ng 3 katao sa Bayan ng Paracale matapos dakpin ng mga otoridad mula sa Paracale Municipal Police Station (MPS) dahil sa illegal mining.
Batay sa ulat na ipinadala ni P/Supt. Rommel B. Labarro, Acting Chief of Police ng Paracale MPS, bandang alas-10 kagabi (Disyembre 11, 2014) ng salakayin ng mga operatiba mula sa Camarines Norte Provincial Public Safety Company (CN-PPSC) at Paracale MPS bahagi ng Sitio Maning, Brgy Casalugan, Paracale, Camarines Norte.
Dito na nadakip sina Artemio Villaflores y Daniel, 28 taong gulang, residente ng P-3, Brgy Masalong, Labo, Camarines Norte; Ronnel Gayon y Abejero, 39 na taong gulang, may kinakasama, residente ng P-1, Brgy. Sta Barbara, Jose Panganiban, Camarines Norte; at Reymar Jerez y Luces, 29 na taong gulang, may asawa, at residente ng P-3, Brgy Masalong, Labo, Camarines Norte.
Isa namang Marnie Dumagat, residente ng Brgy Casalugan, Paracale, Camarines Norte ang nagsisilbi umanong financier at kasalukuyang pinaghahahanap ng mga otoridad.
Nakuha sa mga suspek ang isang pirasong pala (shovel), 4 na pirasong paet (iron chisel), isang pirasong maso, isang pirasong lyabe (wrench), at 56 sako na naglalaman ng pinaghihinalaang mineral ore.
Ang mga nahuling suspek at nakumpiksang gamit ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Paracale MPS para sa karampatang disposisyon.
Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News