PAGSIRA SA MGA NAKUMPISKANG GAMIT SA ILLEGAL FISHING SA BAYAN NG VINZONS, PINANGUNAHAN NI MAYOR AGNES ANG!

Vinzons, Camarines Norte (Disyembre 12, 2014) – Bilang bahagi ng maigting ng kampanya ng Lokal na Pamahalaan ng Vinzons sa pamumuno ni Mayor Agnes Diezmo – Ang laban sa Illegal Fishing na bahagi ng tema ng kanyang pamamahala na “Pagkain at Kabuhayan”, sinira kahapon (Disyembre 11, 2014) sa gilid ng Munisipyo ng Vinzons ang mga nakumpiskang mga kagamitan bunga ng mga nakaraang operasyon ng mga otoridad mula sa “Bantay Ilog” at “Bantay Dagat”.

Bago ito, isang seminar ang isinagawa ng Lokal na Pamahalaan katuwang ang Philippine National Police (PNP) – Vinzons, at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na dinaluhan ng ilang mga mag-aaral mula sa Vinzons Pilot Elementary School.

Pinag-usapan sa naturang seminar ang ukol sa mga epekto ng Illegal Fishing sa kalikasan at sa kabuhayan ng mga mamayan ng Vinzons, tamang pangingisda at mga programa ng Local Government Unit of Vinzons (LGU – Vinzons) upang maipatupad ang mga batas laban sa mga gumagawa ng mga ito.

Mismong ang alkalde ng Vinzons ang nanguna sa pagsira sa mga nakumpiskang gamit upang hindi na umano ito mapakinabangan pa ulit. Ayon pa kay Mayor Ang, isa rin itong paraan upang magsilbing babala na seryoso siya sa pagsugpo sa maling paraan ng paghahanapbuhay partikular na sa pangingisda.

Kabilang sa mga sinira ay 116 na paraphernalia ng “langaw-langaw” o gamit na nakakakuha maging sa maliliit na talangka, 2 pisaong planggana, 2 lalagyan ng small crabs, 19 na pirasong hose, 9 na pirasong compressor, 5 pirasong tangke, 1 pirasong silok, at mga lubid ng buli-buli (aboy).

Nanawagan rin si Mayor Agnes Ang sa kanyang mga kababayan na huwag mag-atubiling ipagbigay alam sa kanyang tanggapan ang anumang impormasyon na kanilang makakalap kaugnay ng illegal fishing upang mabigyan agad nila ng kaukulang aksyon.

Ricky Pera/Edwin Datan, Jr.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.