Daet, Camarines Norte (Disyembre 13, 2014) – Binigyan pagkilala at komendasyon ng Sangguniang Panlalawigan at Pamahalaang Panlalawigan ng Camarines Norte ang 102.9 BIRAGADA NEWS TEAM DAET sa pamamagitan ng isang resolusyon kaugnay ng pagsagip sa isang sanggol na natagpuan malapit sa isang hotel sa Purok 3, Barangay
Gahonon sa bayan ng Daet.
Partikular na tinukoy sa nasabing resolusyon ang tatlong magiting na kabalyerong mamamahayag ng BRIGADA NEWS DAET na sina Donde Consuelo, Ronald “Chinito” Molina, at Ferdz Ode.
Pinangunahan nina Bokal Romeo Marmol at Bokal Bong Quibral ang nasabing resolusyon na sinamahan na rin ng kabuuang miyembro ng SP.
Magugunitang Disyembre 8, 2014 nang personal na rumisponde ang ang grupo ng BRIGADA News sa isang impormasyon na may isang sanggol na iniwan sa isang lugar malapit sa Villa Mila Resort sa Brgy Gahonon.
Sa unang tingin ay tila wala nang buhay ang sanggol na basang-basa ng tubig ulan subalit sa pagsisiyasat ng News Team, nakitang gumagalaw at buhay pa ito!
Maagap ang naging pagkilos ng grupo nina Consuelo, Molina at Ode na isinakay sa kanilang sasakyan ang sanggol naisugod sa Camarines Norte Hospital. Nalapatan pa ito ng paunang lunas.
Sinikap ng mga doktor na maisalba ang buhay ng munting anghel subalit ilang oras lamang, kinagabihan ay pumanaw na rin ang sanggol.
Agad na rin itong nairefer sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na gumawa na rin ng kaukulang imbestigasyon ay aksyon hinggil dito.
Kinilala ng SP ang News Team dahilan sa bukod sa kanilang tungkulin na maghatid ng balita sa gitna ng bagyo, nagawa pa rin ng mga ito na gampanan ang isa pang tungkulin na mag ligtas ng buhay.
Bagamat sumakabilang buhay rin ang sanggol makalipas ang ilang oras, nakita pa rin ng SP at Pamahalaang Panlalawigan ang pagsusumikap na mailigtas ang buhay ng kawawang sanggol.
MGA HIMPILAN NG RADYO SA CAM NORTE, BINIGYAN RIN NG KOMENDASYON NG SP HINGGIL SA 24-HOUR COVERAGE SA NAKARAANG BAGYONG RUBY!
Binigyan ng komendasyon ng Sangguniang Panlalawigan at Pamahalaang Panlalawigan ang ilang mga himpilan ng radyo sa lalawigan ng Camarines Norte hinggil sa 24-hour coverage ng mga ito sa nakalipas na bagyong Ruby.
Narito ang mga himpilan ng Radyo na Binigyan komendasyon:
Brigada News FM-Daet …………………. SM Raymund Jigz Buñag
DWLB-Labo………………………………….. SM Alvin Bardon
DWLP-Capalonga…………………………. SM Abel Literal
DWSL…………………………………………… SM Sonia Leaño
Bagong Radyo ng Bayan……………….. SM Ivy Consuelo-Garcia
Simula Disyembre 5 hanggang 8, 2014 sa pag daan ng bagyong Ruby, 24/7, nagpatuloy sa operasyon ang nasabing mga himpilan sa paghahatid ng impormasyon sa publiko upang makapag handa sakaling dumaan sa lalawigan ang naturang bagyo.
Sa radyo rin ipinapadaan ng mga lokal na opisyal at MDRRMO, PDRRMO, PAGASA ang kanilang mga panawagan sa mga mamamayan kaugnay ng mga paghahanda at impormasyon sa bagyo.
KABALIKAT CHARITY 105 AT DAET VOLUNTEER BRIGADE, BINIGYAN PAGKILALA AT KOMENDASYON NG SP KAUGNAY NG MAAGAP NA PAG RESPONDE SA SUNOG SA JOSE PANGANIBAN.
Kasabay ng pagkakapasa ng naunang dalawang resolusyon, binigyan rin pagkilala at komendasyon ng Sangguniang Panlalawigan at Pamahalaang Panlalawigan ang KABALIKAT CHARITY 105, Radio Communication Group at Daet Volunteer Brigade na kinabibilangan nina Domingo “Doming” Tang (Fire Chief), Alex Totanes, Teofisto Esmeña at Jose Mañago sa naging maagap na pag responde ng mga ito sa naganap na sunog sa isang bahagi ng palengke ng Jose panganiban.
Sa kabila ng malayong lugar ng naturang bayan, sinasabing naging mabilis pa rin ang pag responde ng naturang mga volunteers sa naturang sunog dahilan sa hindi na rin kumalat pa ang sunog at isang bahagi lamang ng palengke ang nasunog.
Una na ring binigyan ng pasasalamat ni Jose Panganiban Mayor Ricarte “Dong” Padilla ang nasabing mga Volunteers sa ipinatawag nitong press conference kamakalawa, at kinilala ang galing ng nasabing mga bumbero dahil hindi na lumaki pa ang apoy at hindi na rin nadamay pa ang mga karatig na negosyo.
Camarines Norte News