MAYOR DONG PADILLA, TUTULUNGANG MAKABANGON ANG MGA NASUNUGANG NEGOSYANTE SA BAYAN NG JOSE PANGANIBAN; CHARITY CONCERT, ISASAGAWA PARA MAKALIKOM NG PONDO!

MAYOR DONG PADILLA, TUTULUNGANG MAKABANGON ANG MGA NASUNUGANG NEGOSYANTE SA BAYAN NG JOSE PANGANIBAN; CHARITY CONCERT, ISASAGAWA PARA MAKALIKOM NG PONDO!

Jose, Panganiban, Camarines Norte (Disyembre 13, 2014) – Hindi titigilan ni Jose Panganiban Mayor Ricarte “Dong” Padilla ang pag gawa ng paraan para matulungang makabangon at makapagsimulang muli ang mga maliliit na negosyanteng biktima ng sunog sa palengke ng kanilang bayan kamakailan.

Aminado si Padilla na hindi kinaya ng kanilang maliit na fire truck ang malaking sunog kung kayat labis ang kanyang pasasalamat sa lahat ng mga nagtulung-tulong para hindi na lumaki pa ang apoy. Bukod sa mga tao sa kanilang lugar na tumulong sa pag-apula ng apoy, labis ding ipinagpasalamat ng alkalde ang pagresponde ng mga pamatay-sunog mula sa bayan ng Paracale, Labo, Daet, at ang Volunteer Fire Brigade ng Filipino-Chinese Chamber of Commerce na pinangungunahan naman ni Volunteer Fire Chief Domingo Tang, gayundin ang mga miyembro ng Kabalikat.

Kamakalawa, ipinatawag at kinausap na ni Mayor Padilla ang mga nagmamay-ari ng umaabot sa 39 na nasunog na stall upang ipagbigay-alam sa mga ito kung papano sila tutulungan upang muling makapagsimula sa kanilang naabo na hanapbuhay.

Tiniyak ng alkalde sa mga negosyante na muling ipapatayo ng Pamahalaang Lokal ang nasunog na bahagi ng palengke na makeshift o pansamantala munang istraktura para agad na ring makapagsimula muli ang mga ito.

Balak din ni Mayor Padilla na bigyan ng amnestiya o pansamantalang sususpindehin ang bayarin ng mga ito sa munispyo bilang tulong na rin sa kanila habang bumabangon. Makikipag-ugnayan rin sa Bureau of Internal Revenue (BIR), si Padilla para na rin makiusap na mabigyan ang kanyang mga nasunugang kababayan ng kunsiderasyon sa mga bayarin sa nasabing kawanihan. Maging sa Camarines Norte Electric Cooperative (CANORECO), ay makikipag-usap din ang alkalde para sa mabilisang pagbabalik ng linya ng kuryente.

Bukod sa mga nabanggit, pinaplantsa na rin ng alkalde ang pag-iimbita ng mga sikat ng mga mang-aawit mula sa kapamilya network, partikular ang mga naging bahagi ng singing reality search na “The Voice of the Philippines” upang makapagsagawa ng konsyerto sa lalawigan at ang lahat ng kikitain dito ay ibibigay sa mga biktima ng sunog bilang tulong pinansyal sa mga ito.

Sa kanyang mensahe sa mga biktima ng sunog, sinabi ng alkalde na mahal pa rin sila ng Diyos dahil sa kabila ng trahedya, wala namang nagbuwis ng buhay na syang pinakamahalaga sa lahat. At bilang pampalakas ng loob, sinabi pa ni Padilla na hindi nya iiwanan ang mga ito at tutulungan hanggang sa muling makabangon at sumigla muli ang paghahanapbuhay.

“Ang tao ay sinusukat hindi sa kanyang pagkakalugmok, kundi sa kanyang pagbangon” pahayag pa ni Padilla.

Eliza H. Llovit

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *