2 KATAO, DEAD ON THE SPOT SA INSIDENTE NG PAMAMARIL SA BAYAN NG PARACALE!

2 KATAO, DEAD ON THE SPOT SA INSIDENTE NG PAMAMARIL SA BAYAN NG PARACALE!

Paracale, Camarines Norte (Disyembre 24, 2014) – 2 ang patay, 1 ang sugatan, at 1 ang nakatakas sa naganap na pamamaril sa Sitio Maning, Barangay Casalugan, Paracale, Camarines Norte bandang 7:30 ng umaga nitong nakatalikod na Disyembre 22, 2014 (Lunes).

Batay sa Paracale Municipal Police Station (MPS), isang kinilalang Anabel Deterano – Herico, 44 na taong gulang, may asawa at residente ng Purok 1, Brgy Malacbang Paracale, Camarines Norte ang nagtungo sa kanilang tanggapan bandang 8:47 ng umaga ng Disyembre 22, 2014 upang iulat ang nangyaring pamamaril sa nabanggit na lugar at petsa.

Sa ulat na ipinadala ni PCI Rommel B. Labarro, Acting Chief of Police ng Paracale MPS, kinilala ang mga biktima na sina Gregorio Nicodemos y Sendon, 57 taong gulang, may asawa, at magkakabod (Dead on the Spot); Niño Nicodemos y Balce, 21 taong gulang, walang asawa, at magkakabod (Dead on the Spot); Chris Nicodemos y Balce, 27 taong gulang, walang asawa, gold magkakabod, (nakatakas) mga residente ng Purok 1, Barangay Dalnac, Paracale, Camarines Norte; at Bayani Inalisan y Neri, 51 taong gulang, may asawa, magkakabod, at residente ng Purok 3, Brgy Malacbang, Paracale, Camarines Norte (Sugatan sa kaliwang braso at kanang hita at kasalukuyang nagpapagamot sa Camarines Norte Provincial Hospital).

Ang mga naturang biktima ay nanggaling umano ng Barangay Dalnac at nagtungo sa Sitio Maning upang magsagawa ng pagmimina sa nauna na nilang inabandonang minahan upang may magkaroon ng panggastos sa darating na kapaskuhan at pagdiriwang na rin ng kaarawan ng isa sa mga biktima na si Niño Nicodemos.

Habang inihahanda umano ang mga gamit sa pagtatayo ng butukan o maliit na kubo, isang kinilalang Mark Anthony

Villaflores y De Mesa a.k.a “Mac-Mac”, 30 taong gulang, walang asawa; at kasama nitong si Louie Vergara y Zenet, 24 na taong gulang, walang asawa, parehong mga residente ng Purok 6, Brgy Parang, Jose Panganiban, Camarines Norte ang biglang sumulpot at nagpaputok ng ilang ulit sa mga biktima gamit ang hindi pa natutukoy na uri ng baril.

Tama ng bala sa ulo ang agad na ikinamatay ni Gregorio Nicodemos, habang sa dibdib naman ang agad na tumapos sa buhay ni Niño Nicodemos. Nagtamo rin ng sugat si Bayani Inalisan na tinamaan ng bala sa kaliwang braso at kanang hita, habang nakatakbo agad papalayo si Chris Nicodemos at nakatakas.

Nakuha ng mga rumespondeng otoridad sa pinangyarihan ng insidente ang 5 piraso ng empty cartridge cases para sa caliber 9mm at isang piraso ng slug na hinihinalang galing sa caliber 9mm na baril at nakatakdang ipadala sa Provincial Crime Laboratory Office para magsagawa ng Ballistic Examination.

Ang mga naturang suspek ay positibong kinilala ng nakatakas na biktimang si Chris Nicodemos sa pamamagitang ng mga larawan habang patuloy pa ring inaalam ang dahilan ng pamamaril.

Samantala, patuloy pa rin ang isinasawagan imbestigasyon ng Paracale MPS sa bahagi ng Bayan ng Jose Panganiban upang agaran ding madakip ang mga suspek.

Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *