4 NA HEAVY EQUIPMENT, PINASABOG NA MGA HINIHINALANG MIYEMBRO NG CPP-NPA-NDF SA BAYAN NG PARACALE!

4 NA HEAVY EQUIPMENT, PINASABOG NA MGA HINIHINALANG MIYEMBRO NG CPP-NPA-NDF SA BAYAN NG PARACALE!

Paracale, Camarines Norte (Disyembre 24, 2014) – Sumalakay at pinasabog ng mga hinihinalang miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) o mas kilala na sa tawag na CNN ang 4 construction heavy equipment sa isang construction site sa Sitio Buhangin, Barangay

Gumaus, Paracale, Camarines Norte nitong Disyembre 22, 2014 (Lunes) bandang 10:00 ng gabi.

Sa ulat na ipinadala ni PCI Rommel B. Labarro, Acting Chief of Police ng Paracale Municipal Police Station (MPS), bandang alas-9 ng umaga ng Disyembre 23, 2014 (Martes) nang makatanggap ng tawag ang Paracale MPS mula sa kapitan ng Barangay Gumaus na si Gil V. Eran kaugnay ng nangyaring pagpapasabog sa 4 na Heavy Equipment na kasalukuyang ginagamit sa proyekto ng pagsasaayos ng tulay sa naturang lugar.

Agad na tinungo ng mga otoridad ang lugar sa pangunguna ni SPO3 Enrico B. Labarro – sa pakikipag-ugnaya na rin sa Bureau of Fire Protection – Paracale (BFP – Paracale) upang magsagawa pagsisiyasat at beripikahin ang iniulat na insidente.

Batay sa isinagawang imbestigasyon at panayam ng Paracale MPS kay Justino R. Cardenas, Assistant Construction Foreman, sinabi nitong mga bandang alas-10 ng gabi ng Disyembre 22, 2014 (Lunes), habang natutulog siya kasama ang 11 construction workers sa construction site barracks ay nagising sila sa malalakas na boses ng mga kalalakihan, at nang ito ay lumabas upang tignan kung sino ang mga ito, nagpakilala ang mga naturang lalaki na miyembro ng CNN.

Ayon pa kay Cardenas, ang mga naturang miyembro ng CNN ay umaabot sa humigit kumulang na 30 miyembro kasama ang isang babae na may dalang matataas na kalibre ng baril, may edad na 20 at 40.

Nagtungo naman ang lahat ng mga manggagawa na nasa construction area sa kalapit na tabing-dagat na may layong 100 metro mula lugar ng construction heavy equipment upang masiguro ang kanilang kaligtasan.

Dagdag pa ni Cardenas, 7 armadong miyembro ng CNN umano ang naglagay ng electric improvised explosive devices (IEDs) sa apat na Construction Heavy Equipment at sa pamamagitan ng mando mula sa mga gamit na radio gadgets ng mga naturang suspek ay pinasabog at lubhang nawasak ang mga naturang heavy equipment na kinabibilangan ng isang unit ng SAKAI Road Roller, dalawang units ng KOMATSU big at small Pay Loader, at isang unit ng IHI Back Hoe.

Matapos ang naturang insidente, isa sa mga suspek ng mga hinihinalang mga miyembro ng CNN ang nagsabing “SABIHIN NYO MGA NPA KAMI, PASENSYA NA KAYO KAILANGAN NAMIN GAWIN ITO DAHIL YUNG KONTRATISTA NYO AY HINDI SUMUSUNOD SA USAPAN at umalis patungo sa Brgy. Luklukan, Jose Panganiban, Camarines Norte.

Nakuha sa lugar na pinangyarihan ng insidente ang 1 piraso ng 3 metrong number 18 brown duplex wire na pinaniniwalaang ginamit bilang electric firing wire; at maliliit na mga sirang bahagi ng makina at explosive residues na gagamitin upang alamin ang uri ng pampasabog na ginamit.

Samantala, umaabot naman sa halagang hindi bababa sa P8,000,000.00 ang naging pinsala sa mga construction equipment na nasira at pagmamay-ari ng contractor na si Victor Barin na residente ng Vicente Basit St., Daet, Camarines Norte.

Patuloy naman ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng Paracale MPS sa pakikipag-ugnayan na rin sa BFP at 49th Infantry Battalion – Philippine Army sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek at upang masampahan na rin ng kaukulang kaso sa korte.

Edwin Datan, Jr.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.