

Daet, Camarines Norte (Disyembre 30, 2014) – Nagsagawa ng pag-alala ang mga opisyal at mamamayan ng Camarines Norte sa mga naging ambag ng ating pambansang bayani na si Gat. Jose Rizal sa Bayan ng Daet, Lalawigan ng Camarines Norte ngayong ika-118 anibersaryo ng kanyang kamatayan.
Nagsimula sa pag-aalay ng bulaklak sa pamumuno ni Abel Icatlo, Provincial Curator sa kauna-unahang monumento ni Gat. Jose Rizal at sinundan ng pagtataas ng bandila sa harapan ng Provincial Capitol ganap na alas 8 ng umaga.
Bagamat inabot ng ulan, hindi umalis ang mga ito upang matapos ang isinagawang pagkanta ng pambansang awit, panunumpa sa watawat at ang pagkanta ng Himno ng Camarines Norte.






Pagkatapos ay tumuloy sa lobby ng kapitolyo at doon isinagawa ang simpleng programa. Dinaluhan ito ng mga kinauukulan at ang grupong Knights of Rizal. Bagamat holiday ito, dinaluhan ito ng mga manggagawa ng
kapitolyo. Isinabay na rin sa okasyon ang pagbibigay gawad parangal sa mga nanalo sa nakaraang patimpalak na may kaugnayan sa pambansang bayani.
Sa panayam ng Camarines Norte News kay Mayor Tito S. Sarion ng Bayan ng Daet kaugnay sa ginagawang aktibidad, sinabi nitong kung babalikan natin ang kasaysayan ng pagkakatayo ng unang bantayog ni Gat. Jose Rizal sa Bayan ng Daet, ito ay isinagawa noong December 30, 1898, sa tabi ng Daet River, dalawang taon pagkatapos patayin si Rizal ng mga sundalong kastila sa Luneta at upang sumunod sa nilalaman ng 1898 Decree na noo’y pangulo ng republika na si Heneral Emilio Aguinaldo na nagsasaad ng pagpapalaya sa pilipinas.
Ang unang monumento ni Rizal ay may taas na 20 piye na itinayo sa tulong ng Philippine Revolution Army. Dinisenyo ni Lt. Col. Antonio Sanz, sa tulong ni Ildefonso Alegre at tulong pinansyal ng ilang lokal na mamamayan ng lalawigan.
Nakumpleto ang pagkakagawa nito noong February 1899, na ang Lalawigan ng Camarines Norte ang kauna-unahang nagsagawa ng selebrasyon. Nauna sa pagkakatayo ng monumento ni Rizal sa Luneta noong 1912.
Mapapansin sa disenyo ang mga nobelang isinulat ni Rizal na “Noli Me Tangere”, “El Filibusterismo” at ang “Morga” para kay Antonio de Morga, isang propagandista at may-akda ng “Sucesos delas Islas Filipinas” noong 1609, isang napakahalagang libro sa pananakop ng mga kastila sa pilipinas.
Binubuo ito ng 3 mukha ng trianggulo na gawa sa bato na sinusuportahan naman ng isang kuwadradong disenyo ang pinakababang bahagi. Nakasulat sa pinakaunahang bahagi ang isang black metal stab sa pagkakadeklara nito bilang isang National Historical Landmark.
Kakaiba ito sa mga naging monumento ni Rizal sapagkat ito ay walang imahe o larawan man lang niya. Tanging makikita lamang ay “ a Jose Rizal”, salitang espanyol na ang ibig sabihin ay “ para kay Jose Rizal”. Ang walong sinag ng araw na nasa itaas nito ay simisimbulo naman sa walong lalawigang na unang nag-aklas laban sa pamamahala ng espanya.
Sa dahilang ang Bayan ng Daet, sa Lalawigan ng Camarines Norte ay malayo sa sentro ng selebrasyon sa kamaynilaan, sa paglipas ng halos 150 years na pag-aalala nito sa lalawigan ay halos di-nabigyang pansin ng kinauukulan.
Ito ay opisyal na naideklarang Historical Landmark noong 1961 sa bisa ng resolusyon bilang 12 ng National Historical Commisssion (NHC).
Orlando Encinares / Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News