Jose Panganiban, Camarines Norte (Enero 6, 2014) – Nakapila na ang mga development projects ng bayan ng Jose Panganiban na inaasahang pasisimulan at tatapusin ngayong taon 2015.
Ayun kay Mayor Ricarte “Dong” Padilla, ilan lamang sa mga proyekto ay ang Terminal Mall na may nakalaang pondo na nagkakahalaga ng 45 million pesos at inaasahang matatapos ngayong buwan ng Oktubre ngayong taon. Ang nasabing terminal mall ay isa sa economic enterprise project ng Padilla Administration. Isa itong Terminal na may Mall na darayuhin ng mga mamumuhunan at mamimili.
Tuloy-tuloy na din ayun kay Mayor Dong Padilla ang pagsasagawa ng Convention Center at Mini Theatre, completion ng Sport Stadium na palalakihin ang sitting capacity at isususog sa standard ng PBA upang makapag-imbita ng out-of-town game ng PBA.
Inaasahan na ring makukumpleto ngayon taon o hanggang Agosto ng susunod na taon ang 2nd Phase ng Jose Panganiban Public Market.
Ilan pa sa mga proyektong napaglaanan na ng pondo at nakahanay na para sa implementasyon ngayong taon ay ang Peoples Square na kasalukuyang isinasagawa, Farmers Trading Center at Outdoor Foodcourt, Completion ng Justice Hall Building, Pagpapaayos at pagpapaganda ng Municipal Hall Building, RHU Building, Mambulao Boulevard and Tourism Hub, Fil-Nippon Fountain and Friendship Park sa Brgy Osmeña.
Samantala, may mga proyektong nakaprograma na rin na pinagsusumikapan na ni Mayor Dong Padilla na mahanapan ng pondo katulad ng Jetty Port, Larap Picnic Groove, Parang By Pass Road, Fish Port, Mama Mary Pilgrimage Site, Pagasa Convention Center at maging ang Airport sa Brgy Larap.
Ayun pa kay Padilla, ang naturang mga proyekto, bukod sa pagpapaganda at pagsasaayos ng kaanyuan ng kanilang bayan ay bahagi na rin ng pagpapalakas ng turismo na mangangahulugan ng karagdagang hanapbuhay at pagkakakitaan ng kanyang mga mamamayan sa Jose Panganiban.
“Turismo, Tayo Mismo” ito ang tema ng programang pangturismo ngayon ni Mayor Dong Padilla. Naniniwala ang alkalde na hindi lamang sa pisikal na bagay mapapalakas ang turismo ng isang lugar. Mahalaga anya na mismong ang mga tao at ang kaugalian ng mga ito ang maging dahilan para bumalik at pumunta sa isang lugar ang turista. Nais ni Padilla na maging maayos ang lahat ng bagay sa kanilang munisipalidad simula sa masiglang pagtanggap sa mga turista hanggang sa pagtitiyak na hindi pagsasamantalahan ang mga turista partikular sa presyo ng mga bilihin o sa mga public utilities. Nais ng alkalde na maisaayos ang lahat ng bagay sa kanilang bayan sa usapin ng pag tanggap at pag trato ng mga turista.
Maging ang mga kalsada na nagdudugtong sa mga malalayong barangay ng Jose Panganiban ay isa rin sa prayoridad ng alkalde sa ngayong taon.
Nais ni Padilla na maging malapit ang mga malalayong Barangay sa pamamagitan ng pagpapaayos ng mga kalsada patungo sa mga ito. Sa pamamagitan nito, mas magiging madali ang pagta-transport ng kalakal at mga produktong agrikultura mula at patungo sa malalayong barangay. Magiging dahilan din ito upang maging magaan ang pamumuhay at pag hahanap buhay ng mga naninirahan sa nasabing mga barangay.
Ang pagpapalakas ng agrikultura ay preparasyon ni Mayor Dong Padilla upang makasabay ang kanilang bayan sa pagbubukas ng Free Trading Agreement ng mga bansa sa asya sa darating na 2016. Sakali anyang maipatupad na ito, kinakailangang maging competitive ang kanyang mga kababayan upang maging maganda ang epekto ng nasabing Asian Countries Free Trading Agreement sa kanyang mga kababayan.
Ma. Eliza H. Llovit
Camarines Norte News