Daet, Camarines Norte (Enero 21, 2015) – Gumawa muli ng kasaysayan ang Lalawigan ng Camarines Norte ngayong araw matapos itong pormal na maideklara bilang isang Peaceful Province kasunod ng ginawang seremonya sa Agro Sports Center sa bayan ng Daet, Camarines Norte.
Umaga pa lang ay nakahanda na ang mga otoridad mula sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Agro Sports Center sa nakatakdang pagdating ng matataas na opisyal ng AFP mula rehiyon at pambansang antas. Bandang 9:00 ng umaga ng lumapag ang chopper sa Eco-Field lulan sina Major Generel Yerson E. Depayso, Commander ng 9th Infantry (Spear) Division, Philippine Army, Major General Ricardo Visaya, Commander ng AFP – Southern Luzon Command at iba pang matataas na opisyal, na nagtungo muna sa Provincial Capitol upang magsagawa ng courtesy call kay Gov. Tallado bago pumunta sa pagdarausan ng programa.
Hindi na nakarating sa naturang okasyon ang inaasahang panauhing pandangal na si AFP Chief of Staff, General Gregorio Pio Catapang, Jr dahil sa mahalaga nitong lakad kasama si Department of National Defense (DND) Sec. Voltaire Gazmin sa Lalawigan ng Sulu. Bagama’t wala ang AFP Chief of Staff, si Major General Visaya naman ang humalili sa kanya sa pagbibigay ng mensahe.
Ang aktibidad na may temang “Peoples’ Convergence Towards Peace and Development” ay bunsod ng Resolution No. 480-2014 na nilagdaan ng Sangguniang Panlalawigan ng Camarines Norte noong Oktubre 1, 2014 na pinagtibay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Camarines Norte at ng9th Infantry (Spear) Division, Philippine Army upang opisyal na maideklara bilang Mapayapang Lalawigan.
Dumalo sa nasabing pagtitipon ang mga opisyal mula AFP at PNP, Federation of Senior Citizens, Reserve Officer Training Corps (ROTC) mula sa iba’t ibang paaralan sa lalawigan, ilang mga konsehal at alkalde ng mga bayan, at Camarines Norte Provincial Government College Educational Assistance Program (CNPGCEAP) scholars mula sa Camarines Norte State College (CNSC) – College of Education na siyang kumakatawan sa sektor ng kabataan.
Tampok sa programa ang pagbibigay ng 9th Infantry (Spear) Division ng Plaque of Appreciation kay Governor Egay Tallado dahil sa natatanging pamumuno nito sa Lalawigan at patuloy na pagbibigay ng mga programang umaangkop upang matamasa ang inaasam na kapayapaan sa Camarines Norte.
Nagbigay din ng Plaque of Commendation si Gov. Tallado sa AFP sa katauhan nina BrigadierGeneral Richard Q Lagrana na naging commander ng 902nd Infantry Brigade at ngayon ay pinamumunuan ang Armed Forces of the Philippines Civil-Military Operations, at Col. Michael Buhat na naging commander naman ng 49th Infantry Battalion ng Philippine Army at kasalukuyang nasa 9th Infantry Division sa Pili, Camarines Sur.
Ang pagkilala sa dalawang opisyal ay bunga na rin ng mga naging accomplishments ng mga ito sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa kanilang mga nasasakupan.
Kinilala rin sa pamamagitan ngpagbibigay ng Certificate of Appreciation ang mga kagawaran ng pamahalaan at mga organisasyon ng nagbigay ng mahahalagang ambag at suporta sa mga programa ng pamahalaan at sandatahang-lakas tulad ng Camarines Norte Police Provincial Police Office (CNPPO), Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Labor and Employment (DOLE), League of Municipalities of the Philippines (LMP) – Camarines Norte, Junior Chamber International – Daet Bulawan (JCI – Bulawan), at Youth For Peace Movement – Camarines Norte (YFPM – Camarines Norte).
Binasa naman ni Atty. Adan Marcelo Botor, Provincial Legal Counsel ang nilalaman ng lalagdaang Memorandum of Understanding sa pagitan ng AFP sa pamamagitan ni Major General Depayso at Pamahalaang Panlalawigan na kinatawan ni Gov. Tallado tulad ng Internal Peace and Security at Socio-Econimic Programs bago ito pirmahan ng mga opisyal.
Sa mensahe naman ni Major General Visaya, ipinabatid nito ang buong suporta ng AFP sa mga ipatutupad ng programa ng Pamahalaang Panlalawigan sa tulong nga mga kagawaran. Tiniyak din ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na sisiguruhin pa rin nila katiwasayan sa mga malalayong sitio at barangay sa bulubunduking bahagi ng lalawigan upang maisakatuparan ang mga planong programa ipatutupad dito.
Malaki rin umano gagampanang bahagi ng mga socio-economic development projects upang mapasigla at mapaunlad pa ang kabuhayan ng mga CamNorteño, partikular na ang mga kapamilya ng mga insurgents na makatutulong din upang makipagkaisa na sa pamahalaan.
Bilang Ama ng Lalawigan, ibinahagi rin ni Governor Edgardo Tallado ang kaniyang naging karanasan noon sa kanyang pagbibigay ng mensahe sa programa. Tandang-tanda pa umano niya nang masaksihan mismo ng kanyang mga mata ang karahasan at kaguluhan dulot ng hindi pagkakaunwaan ng makakaliwang-grupo at pwersa ng pamahalaan. Aniya, magmula noon ay isa na sa kanyang naging pangunahing nais bigyan nang katugunan ay ang kahirapan na ayon sa gobernador ay nagiging ugat ng kaguluhan.
Dagdag pa ni Gov. Tallado na isa ang Multi-Services Caravan sa maraming proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan na nagbibigay ng tulong-pangkabuhayan sa mga mamamayan ng Camarines Norte at isa ring daan upang mailayo ang mga ito sa mga kaisipan ng paggawa ng anumang uri ng kaguluhan dahil sa walang pinagkakakitaan.
Bago matapos ang programa, ipinamahagi naman ni DOLE Regional Director Nathaniel Lacambra ang pamamahagi ng “Kabuhayan Starter Kits” sa dating mga nasangkot sa kaguluhan sa malalayong barangay at ngayo’y binigyan ng panimulang alternatibong at dagdag na pagkakakitaan upang makatugon sa kanilang araw-araw na pamumuhay.
Sa isinagawang proklamasyon ngayong araw, pangalawa ang Camarines Norte na kinilala bilang isang Mapayapang Lalawigan kasunod ng Lalawigan ng Catanduanes sa buong Bicol Region. Sa kasalukuyan, umaabot na sa 49 na lalawigan ang nagawaran ng kahalintulad na pagkilala sa buong bansa.
Matapos ang programa, hinarap naman ng mga opisyal ng AFP at nina Gov. Tallado at Vice Gov. Jonah Pimentel ang Media sa isang press conference na ginananap naman sa Little Theatre sa nasabi ding gusali. Kaugnay ng katanungan tungkol sa mga naging batayan upang maideklara bilang payapang lalawigan ang Camarines Norte, sinabi ni Major General Visaya na bumaba na umano ang mga kaso ng insurgency sa buong lalawigan, gayundin ang pagbaba ng bilang ng mga makakaliwang grupo. Marami na rin umanong mga barangays na kanilang idineklarang “clear areas” na dating kinasasangkutan ng kaguluhan at ngayo’y matiwasay na dahil na rin sa adbokasiya at mga proyekto ng AFP at Pamahalaang Panlalawigan.
Edwin Datan, Jr. / JP De Leon
Camarines Norte News