PROGRAMANG “PILIPINAS GO 4 HEALTH” NG DEPARTMENT OF HEALTH, PINASIMULAN NA SA CAMARINES NORTE!

PROGRAMANG “PILIPINAS GO 4 HEALTH” NG DEPARTMENT OF HEALTH, PINASIMULAN NA SA CAMARINES NORTE!

Daet, Camarines Norte (Enero 22, 2015) – Inilunsad ngayong araw sa Bel-Air Resort, Brgy. Lag-On, Bayan ng Daet ang programang pangkalusugan na “Pilipinas Go 4 Health” ng Department of Health (DOH) sa Lalawigan ng Camarines Norte.

Ang Pilipinas Go 4 Health ay pambansang programa ng nasabing kagawaran na nangangahulugang “Go Smoke Free, Go Sustansya, Go Sigla, at Go Slow sa Tagay”. Layunin nito na ipaalam at hikayatin ang mga Pilipino sa lahat ng sektor ng lipunan na ugaliin ang pagsasagawa healthy lifestyle sa pamamagitan ng pagkakaroon ng personal commitment sa mga aktibdad na pampisikal, tamang nutrisyon, at paghinto sa paninigarilyo at labis na pag-inom ng alak. Kasama rin sa naturang programa ng DOH ang 10 Kumainments na nagsisilbi namang gabay sa mga dapat kainin na ginawang simbolo ang tinapay.

Ito ay dinaluhan ng mga kinatawang ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor tulad ng Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO), Municipal Health Offices (MHO), Rural Health Units (RHU), Provincial Health Office (PHO), mga mag aaral mula sa Our Lady of Lourdes College Foundation (OLLCF), Mabini Colleges (MC), at Camarines Norte State College (CNSC), Bureau of Jail Management and Penology – Camarines Norte (BJMP – Camarines Norte), Camarines Norte Water District (CNWD), Department of Education – Camarines Norte (DepEd – Camarines Norte) , Philippine National Red Cross – Camarines Norte (PNRC – Camarines Norte), Department of Public Works and Highways – Camarines Norte (DPWH – Camarines Norte), ilang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Vinzons, at mga media practitioners.

608-1
608-6

Sinimulan ang talakayan sa isang maikling panalangin at pag-awit ng Lupang Hinirang na sinundan ng masigla at masayang exercise-dance na bahagi ng tema ng aktibidad na pinangunahan ng DPWH Dance Group. Nagbigay naman ng kanyang welcome address si Dr. Myrna P. Rojas, Acting Head ng PHO kung saan inihayag nito ang kahalagahan ng talakayan sa iba’t ibang sektor ng lipunan.

Bagama’t wala si Gov. Edgardo A. Tallado upang magbigay ng mensahe, dumating naman ang kinatawan nito na si Provincial Administrator Joey Boma na nagbahagi ng mga programang ginagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Camarines Norte na may kaugnayan sa pagpapanatili ng malusog na pangangatawan. Isa sa kanyang binanggit ang pagsasagawa ng lingguhang aerobics sa Capitol Grounds na pinangungunahan ng mga empleyado ng kapitolyo upang masiguro na masisigla ang mga ito sa kabila ng kanilang mga ginagawa sa kani-kanilang tanggapan.

Tampok din sa naturang okasyon ang panauhing pandangal na si Dra. Gloria J. Balboa, Director IV ng DOH – Region V na nagbigay din ng kanyang mahalagang mensahe. Ayon kay Dra. Balboa, ang Pilipinas Go 4 Health ay matagal nang konsepto ng Kagawaran ng Kalusugan at kailangan lang umanong pasiglahin muli ang kampanya sa buong bansa at maging sa Rehiyong Bikol. Ito rin aniya ay magsisilbing paalala na dapat ay magkaroon ng health life style ang bawat isa upang patuloy pang maitaguyod ang masigla at maayos na pamumuhay.

608-2
608-3
608-4
608-5
608-7
608-8

Tinalakay din ni DOH – Region V Director Balboa, ang tungkol sa Go Smoke Free at hinikayat ang lahat na ganap nang itigil ang paninigarilyo. Panghihimok pa ni Balboa na sa buong Lalawigan ng Camarines Norte ay wala pang nagagawaran ng Red Orchid Award ng Department of Health na nais niyang pasimulan sa mga tanggapan ng pamahalaan. Ang Red Orchid Award ay ang ibinibigay na pagkilala sa mga siyudad, munisipalidad, tanggapan ng pamahalaan, at mga health facilities na mahigpit na nagpapatupad ng pagbabawal sa paninigarilyo. Halong pasasalamat at pagkadismaya rin umano ang nararamdamang ng DOH dahil sa epekto ng Sin Tax, aniya tumaas nga ang pondong nalilikom ng DOH dahil sa ang kanilang kagawaran ang pangunahing nakikinabang ng Six Tax ngunit nangangahulugan lang din ito na marami pa rin ang hindi talaga makaiwas paninigarilyo at sobrang pag-inom ng alak.

Pagdating sa Go Slow sa Tagay, sinabi ni Balboa na sapat nang makapag-konsumo ang tao ng 2 bote ng beer sa isang araw dahil kailangan din naman umano ng sapat na alcohol ng ating katawan. Ang labis umanong pag-inom ay nakasasama hindi lang sa katawan ng tao, kundi sa mga taong nakapaligid sa atin bunsod ng mga aksidente dahil sa pagmamaneho ng lasing at karahasan dahil naman sa hindi na ito nakapag-iisip ng tama dahil sa sobrang alcohol.

Pag-eehersisyo naman ang binigyang-diin sa Go Sigla. Sinabi ng doktora na nakakainam sa katawan ng tao paglalakad, pagtakbo, jogging, cycling, at simpleng mga body movements kahit na sa mahabang oras na nasa opisina.

Pinaiwas din ni Balboa sa pagkain ng mga fast foods at processed foods ang mga dumalo sa programa nang talakayin nito ang Go Sustansya. Aniya, pinakamabuti pa rin sa kalusugan ang pagkain ng mga gulay at rootcrops, at pagkakaroon ng healthy lifestyle and environment. Mungakhi rin ng doktora sa mga dumalong politiko ang pagkakaroon ng mga munisipalidad ng ordinansa na nagtataguyod ng healthy environment.

Ipinakilala naman ni Ms. Loria O. Dipasupil ang tungkol sa Non Communicable Disease Program, Healthy Lifestyle, Nutrition, at 10 Kumainments na nagpapakita ng mga pag-develop ng mga sakit dulot ng pamumuhay na abuso sa katawan, mga uri ng aktibidad na dapat gawin upang mapanatili ang malusog na pangangatawan, at mga pagkain na nagtataglay ng mga nutrisyon na dapat ay ating kinakain.

Sa pagsapit ng hapon, tinalakay ang epekto ng alcohol, droga, at paninigarilyo ni Dr. Maria Lourdes M. Anson, Head, C.S. Rehabilitation Center, San Fernando, Camarines Sur. Dito ibinahagi ni Anson ang kanilang mga ginagawang programa para sa mga pumapasok sa kanilang rehabilitation center dulot ng masasamang epekto ng labis na paggamit na humahantong sa pagiging masamang bisyo.

Bago magtapos ang programa, pinangunahan ni Hon. Board Member Renee Hererra, SP-Committee on Health ang Pledge of Commitment na naglalaman ng pakikiisa ng mga dumalo at pagbibigay ng pangako na isasabuhay ang mga pakay ng Pilipinas Go 4 Health upang makapagsulong pa ng malusog at masiglang lalawigan.

Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *