Daet, Camarines Norte (Pebrero 13, 2015) – Nakatakdang isagawa ang isang libreng futsal clinic ngayong darating na buwan ng Abril na kung saan magiging bahagi ito ng isasagawang Bantayog Festival celebration ngayong taon.
Ang salitang futsal ay galing sa salitang portugese na “Futebol de salão” na ibig sabihin sa wikang ingles ay room football. Nailalaro ito ng 5 katao sa bawat koponan kung saan 4 sa kanila ang mag-aagawan sa bola at isa sa kanila ang magsisilbing goal keeper.
Ito ay isang bagong indoor sports activity na nais bigyan pansin ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Community Affairs Office (CAO) – Sports Development Unit. Bukas ang pagsasanay para sa lahat ng mga batang babae at lalaki na nasa antas ng elementarya at sekondarya na magsasanay sa loob ng 15 araw na gaganapain sa Agro Sports Center o di kaya ay sa bahagi ng 1st Rizal Bantayog Park. Para sa mga interesado, maaaring magpalista kay G. Randy Serrano ng Department of Education (DepEd) o kay G. Rolando Haspela ng Sports Development Unit.
Pagsasanayin ang mga estudyante ng 15 araw na dire-diretso dahil sa karamihan sa mga ito ay wala nang klase at bakasyon na. Ito rin ay isang hakbang bilang paghahanda sa nlalapit na ikalawang liga ng futsal competition ngayong darating na buwang ng Setyembre at Oktubre.
Samantala, matagumpay naman natapos ang unang liga ng futsal competition na pinangunahan ng DepEd na ginanap noong nakalipas na buwan ng Disyembre 2014 at nagtapos noong nakaraang buwan ng Enero 2015. Sa ginanap na futsal competition, ito ay nahati sa 5 kategorya kabilang ang elementary boys, elementary girls, high school boys, high school girls, at collegiate division.
Nagbigay ng pondo ang pamahalaang panlalawigan sa nasabing kumpetisyon para sa mga pagkain ng mga players at mga facilitators at sa mga papremyong ibibigay sa mga mananalo rito. Ang programang ito ay naging matagumpay dahil sa pagsasanib puwersa ng DepEd at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Camarines Norte.
Jing Calimlim
Camarines Norte News