SAPATOS AT BAGS MULA SA PINEAPPLE FIBER NA GAWA NG LABO PROGRESSIVE MULTI-PURPOSE COOPERATIVE, INILUNSAD SA LONDON, UNITED KINGDOM!

SAPATOS AT BAGS MULA SA PINEAPPLE FIBER NA GAWA NG LABO PROGRESSIVE MULTI-PURPOSE COOPERATIVE, INILUNSAD SA LONDON, UNITED KINGDOM!

Labo, Camarines Norte (Pebrero 20, 2015) – Inilunsad sa Royal College of Arts sa Kensington Gore, London, United Kingdom noong nakaraang ika-12 ng Disyembre 2014 ang mga sapatos, bags at furniture na gawa sa Piñatex. Ito ay isang makabago, natural at di-habing material na binuo ng kumpanyang Ananas Anam na pinamumumunuan ni Carmen Hijosa sa pakikipagtulungan ng Royal College of Arts sa London at mga Philippine partners na kinabibilangan ng Philippine Textile Research Institute PTRI ng DOST, Philippine Fiber Development Authority PFIDA, Nonwoven Fabric Philippines at Labo Progressive Multi-Purpose Cooperative.

Ang Piñatex ay binuo bilang kasagutan sa paghahanap ng pamalit sa leather na ngayon ay nagiging mahal at nagkakaroon ng kakulangan. Ito ay kakaiba dahil sa angkin nitong mga katangian na angat sa ibang materyal tulad ng pagiging malambot, magaan, matibay, maginhawa, presko, at madaling kulayan. Bukod pa ito sa pagiging makakalikasan at socially sustainable. Ito ang mga katangian na nababagay na materyal para sa paggawa ng mga sapin sa paa, bag at upholstery.

Dahil dito, ang mga sikat na brand ng sapatos tulad ng Puma,Campers at Clarks ay pumayag na ito ay subukan sa kanilang mga disenyo. Ito nga ang ilan sa mga ibinida sa naganap na exhibition. Bukod dito ang mga sikat na designers tulad nina Ally Capellino, Patricia Moore, John Jenkins, Smith&Matthias, at Julia Georgallis at gumawa rin ng kanilang mga produkto na gamit ang Piñatex na sinadya para sa paglulunsad.

608-1

Umaasa naman ang Ananas Anam na magiging popular ang mga produkto na gawa sa Piñatex upang makapagbigay ng bagong pagkakakitaan ang mga magsasaka ng pinya hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba pang papaunlad na mga bansa sa mundo. Ang hibla na ginamit sa Piñatex ay gawa ng Labo Progressive Multi-Purpose Cooperative mula sa dahon ng Queen Pineapple. 

Isa itong magandang balita hindi lamang sa kooperatiba kundi lalo na para sa mga magsasaka ng pinya sa lalawigan ng Camarines Norte na kanilang tinutulungan. Dahil dito hindi lamang bunga ang pwedeng pakinabangan ng mga magsasaka kundi maging dahon din ng pinya na kalimitan ay tinatapon lang pagkatapos anihin ang pinya. Isa itong pangarap na natupad para sa Labo Progressive MPC na matagal nang isinusulong ang paggamit ng pinya fiber hindi lang sa ibang bansa kundi lalo’t higit dito sa Pilipinas. 

Ito ay upang higit na makinabang ang mga magsasaka ng pinya at mapaangat ang kanilang kabuhayan. Mismong si Carmen Hijosa ng Piñatex ang nagpaabot ng magandang balita at pasasalamat sa Labo Progressive sa pamamagitan ng e-mail nito kay General Manager Mario Espeso. Ipinaabot din naman ni Mr. Espeso ang kanyang pagbati sa nasabing paglulunsad ng Piñatex at patuloy na suporta ng kooperatiba sa Ananas Anam.

Cresencio B. Adlawan
Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *