PALARONG BIKOL 2015, UMARANGKADA NA!

PALARONG BIKOL 2015, UMARANGKADA NA!

Pili, Camarines Sur (Marso 16, 2015) – Makulay at masaya ang naging pagbubukas ng Palarong Bikol 2015 kahapon sa Freedom Sports Complex sa bayan ng Pili, Camarines Sur.

Ang opening ceremony ay pinangunahan ng mga opisyal ng Department of Education – Region V (DepEd-V) sa pamumuno ni DepEd Regional Dir. Ramon Abcede, gayundin ang mga opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Camarines Sur sa pangunguna naman ni Gov. Migz Villafuerte.

Sa pagtataya ng DepEd umaabot sa mahigit-kumulang na 7,000 mga atleta mula sa buong Rehiyong Bikol na kinabibilangan ng 13 schools divisions mula sa 7 lungsod tulad ng  Naga, Iriga, Legazpi, Ligao, Tabaco, Sorsogon, at Masbate at 6 na lalawigan.

Naging panauhing pandangal naman sa naturang okasyon si Mario A. Deriquito, DepEd Undersecretary for Partnership and External Linkages. Dumalo rin pangrehiyong paligsahan ang mga gobernador, alkalde, at kongresista bilang pagbibigay suporta sa kanilang delegasyon.

Ayon kay Jose Bonto, DepEd-Bicol Administrative Officer, maglalaban-laban sa 21 sports events ang mga kalahok na kinabibilangan ng  archery, arnis, athletics, badminton, basketball, boxing, chess, football, gymnastics, sepak takraw, soft ball, swimming, table tennis, taekwando, tennis, volley, billiard, wu-shu, at wrestling.

Sa kasalukuyan, ang lalawigan ng Albay ang defending champion at malaki umano ang naging pagbabago sa performance ng delegasyon ng Bicol noong nakaraang Palarong Pambansa 2014 na ginanap sa Lalawigan ng Laguna dahil mula sa 13th, 14th, at 15th overall standing, umakyat ang rehiyong Bikol sa Rank No. 9-10 na maganda umanong pagpapakita ng pag-unlad ng mga manlalaro sa larangan ng palakasan.

Ang mananalong lalawigan ngayong taon sa Palarong Bikol ay siyang magiging kinatawan ng rehiyon sa Palarong Pambansa 2015 na gaganapin sa Tagum City, Davao sa darating na May 3-11.

Samantala, siniguro naman ng delegasyon ng Camarines Norte na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang makuha ang mailap na kampeyonato ngayong taon. Nakatalaga ngayon ang Camarines Norte sa billeting center nito sa Milaor Elementary School at may layong humigit kumulang 31 kilometers hanggang sa bayan ng Pili.

(photo credits: Gov. Migz Villafuerte Facebook account)

Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *