Daet, Camarines Norte (Marso 17, 2015) – Bilang patuloy na pagtugon sa naganap na deklarasyon ng Lalawigan ng Camarines Norte bilang payapang lalawigan nitong nakaraang buwan Enero 21, 2015 sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Pamahalaang Panlalawigan ng Camarines Norte dahil sa pagbaba ng bilang ng mga karahasan na kinasasangkutan ng New People’s Army (NPA) na nagbunga sa magandang takbo ng ekonomiya ng lalawigan, nakatakdang maglunsad ngayon ang 49th Infantry Battalion (IB) ng aktibdad na tatawaging “March For Peace”.
Sa pagbisita kahapon ni Lt. Col. Medel M. Aguilar, Commander Officer ng 49th IB, sa Sangguniang Bayan ng Daet, inihayag nito ang mga posibleng ugat sa pagkakaroon ng makakaliwang-grupo at mga dahilan kung bakit may mga nahihikayat na sumama dito. Ayon kay Aguilar, kasama na dito ang kahirapan, kawalan ng katarungan, at kakulangan sa edukasyon dahilan kung bakit madaling mapaanib sa NPA at paghahawak ng mga armas.
Sa mga pagkakataong umano ito ay naglulunsad na sila ng mga military operations upang mapangalagaan na rin ang kaligtasan ng mga komunidad upang sugpuin ang karahasang dala ng naturang grupo. Subalit sa kabilang banda ayon kay Aguilar, ay malaki umano ang nagagastos na pamahalaan sa mga ganitong operasyon na nanggagaling sa pondo na dapat sana ay mailaan pa sa iba pang developmental project, gayundin ang pagkasira ng mga ari-arian at pagbubuwis ng buhay ng ilang mga naiipit sa kaguluhan.
Iginiit pa ng kinatawan ng 49th IB na hindi naman talaga umano solusyon ang ginagawa nilang military operations sa rebeldeng grupo kundi pansamantala lamang dahil hindi naman talaga umano nareresolba ang problema. Kaya’t isa sa kanilang adbokasiya umano ay pagkakaroon ng mga “Bayanihan Teams” na tumututok sa pagtulong sa mga mamamayan kaugnay sa usapin ng kalidad na edukasyon at kabuhayan na nararanasan sa malalayong lugar ng Camarines Norte. Hindi rin maituturing umano na lumalabag ang NPA sa batas dahil biktima lang din sila ng kawalan ng pag-asa.
Layon ng “March For Peace” na mahikayat ang lahat na isulong ang payapang pakikibaka sa mga miyembro ng NPA sa pamamagitan ng pagtulong sa mga ito na magbalik-loob sa pamahalaan, pagbababa sa mga armas, at pagbibigay ng hanapbuhay sa mga ito na nakapaloob din sa Comprehensive Local Integration Program ng Department of Interior and Local Government (DILG). Hiling ni Lt. Col. Aguilar sa Pamahalaang Lokal ng Daet ang patuloy na suportang isagawa ng konseho at mga mamamayan ng Daet sa pagsisimula nga mga isasagawa nilang mga aktibidad at programa sa naturang bayan sa darating na Marso 29, 2015 na siya ring anibersaryo ng pagkakatatag ng NPA sa bansa.
Edwin Datan, Jr./Jeffrey De Leon
Camarines Norte News