Camp Wenceslao Q Vinzons, Sr., Daet, Camarines Norte (Marso 17, 2015) – “MOVE o Men Opposed Violence against women Everywhere”, ito ang naging tema ng isinagawang aktibidad kaninang umaga ng Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO) sa CNPPO Clubhouse, Camp Wenceslao Q Vinzons, Sr, Dogongan, Daet, Camarines Norte sa pamumuno ni PS/Supt. Harris R. Fama, Officer In-Charge, katuwang ang Police Community Relations Branch na pinangungunahan naman ni PCI Wilmor G. Halamani, Acting Chief, kaugnay pa rin ng pagdiriwang ng National Women’s Month.
Ang naturang programa ay kinapapalooban ng pagtalakay sa ginagampanang mahalagang bahagi ng Philippine National Police (PNP) laban sa pang-aabuso sa kababaihan na dinaluhan ng mga pulis at Non-Uniform Personnel (NUP) mula sa 12 munisipalidad ng lalawigan ng Camarines Norte.
Dumalo at tinlakay naman ni Atty. Edman B Pares, Provincial Hearing Officer, National Police Commission (NAPOLCOM) ang mga probisyon ng mga saligang batas na may kaugnayan sa pagprotekta laban sa pang-aabuso sa mga kababaihan tulad ng RA 9262-“Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004”; RA 6955-Anti-Mail Order Bride Act; RA 8353 “The Anti-Rape Law of 1997.”; at RA 9208- “Anti-Trafficking in Persons Act of 2003”.
Layunin ng MOVE ang himukin ang lahat na kondenahin ang Violence Against Women (VAW), magsagawa at bumuo ng mga hakbangin ang mga kalalakihan upang tuluyan nang masawata ang VAW, bumuo ng ugnayan sa pagitan ng ibang mga grupong nagsasagawa ng mga aktibdad ukol sa VAW sa loob at labas ng bansa, at magtatag at mangasiwa ng mga pagsasaliksik at pag-aaral sa epekto sa lipunan ng VAW na magbubunga rin sa pagsasagawa ng mga programa at patakaran ukol dito.
(credits: Camnorte Ppo Facebook)
Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News