TEAM CAMARINES NORTE, MAGANDA ANG IPINAPAKITA SA PALARONG BIKOL 2015; ISANG ATLETA, NAKAKUHA NA NG GINTONG MEDALYA!

TEAM CAMARINES NORTE, MAGANDA ANG IPINAPAKITA SA PALARONG BIKOL 2015; ISANG ATLETA, NAKAKUHA NA NG GINTONG MEDALYA!

Pili, Camarines Sur (Marso 17, 2015) – Nakasungkit na ng isang gintong medalya ang isang atleta mula sa Camarines Norte sa unang araw ng Palarong Bikol 2015 na patuloy na ginaganap sa Pili, Camarines Sur.

Naipanalo ni Robelyn Valencia na mag-aaral ng Basud National High School ang Javelin Throw Event kahapon kung saan tiyak na ang pagiging bahagi nito sa Palarong Pambansa na gaganapin sa Tagum City, Dava sa darating na Mayo 3-11, 2015.

Batay sa isang opisyal ng Palarong Bikol 2015, maliban sa 1 gold medal sa athletics event, may mga naitalang panalo na rin ang Basketball boys – Secondary Level nang talunin nito ang koponan ng Camarines Sur, gayundin ang pagpapadapa ng Camarines Norte Basketball girls – secondary level sa team ng Legazpi City.

Nagtala na rin ng pagkapanalo ang Team Camarines Norte sa larong Futsal, at dalawang panalo sa Sepak Takraw – Secondary level. May dalawa na ring panalo sa Chess ang boys at girls – Elementary Level at dalawang panalo ang boys – Secondary Level. Nakadalawang panalo na ang Volleyball boys – Elementary level kontra sa Albay Province at pinataob kaninang umaga ang Naga City.

Dagdag pa ng opisyal na maganda rin ang pagsisimula sa ipinakita ng Team Camarines Norte sa kanilang performance sa mga sports events. Ayon sa talaan ng Palarong Bicol 2015 kaninang 10:20 ng umaga, nangunguna ang Lalawigan ng Albay na mayroong 2 gintong medalya, isang silver, at isang bronze, pumapangalawa ang Camarines Sur na nakapagtala ng isang gintong medalya, isang silver, at isang bronze, at pangatlo ang Camarines Norte na mayroong isang gintong medalya at isang silver.

Bukod sa mga medalyang matatanggap ng mga magwawagi sa Individual Category ay makakatanggap din ang mga ito ng cash incentives; P500 para sa gold, P300 sa Silver, at P200 para sa Bronze.

Ang naturang palaro ay binuksan nitong nakatalikod na Linggo (Marso 15, 2015) at tatagal hanggang Marso 22, 2015.Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.