Daet, Camarines Norte (Marso 18, 2015) – “Hindi totoo na maglalagay ng panibagong palengke sa centro ng bayan ng Daet para sa mga ambulant vendors…”. Ito ang naging paglilinaw ni Daet Market Administrator Raul Gomez Jr. sa panayam ng Camarines Norte News kaninang madaling araw.
Ito ay sa harap na rin ng mga usap-usapan na magtatayo ng nasabing panibagong palengke para mapag-lipatan ng mga ambulant vendors, na nananatili pa rin sa mga pangunahing lansangan at pedestrian lanes sa centro ng Daet. Sakali anyang maisakatuparan ang balakin na pagpapalipat sa mga vendors sa Coreses at Dasmariñas St., partikular ang mga Lutong Ulam vendors, BBQ, fried chicken at Mais Vendors, hindi ito maituturing na palengke.
Una nang inihayag ni Vice Mayor Noel “Ahlong” Ong sa panayam din ng Camarines Norte News, na nakipag-ugnayan na siya kay Mayor Tito Sarion hinggil sa lubusan nang pagpapatupad ng programang “Maaliwalas na Daet 2015” na programa din ng alkalde.
Napag-aralan na rin anya niya ang mga kalsada ng Coreses St., Dasmariñas St., mga pedestrian lane sa bahagi ng kanto ng Felipe II St. hanggang sa may Espino News Stand na pawang punong-puno na ng mga vendors at wala nang maayos na madaanan ang mga pedestrian.
Sakali anyang maililipat sa iisang lugar ang mga nagtitinda dito ay ganap nang maisasatuparan ang Maaliwalas na Daet. Pinag-aaralan pa nila ang bakanteng pwesto sa malapit sa 101 Dept. Store at isa pang bakanteng lote katabi ng dating Heroes Memorial College upang maging pwesto ng magtitinda ng lutong Ulam, BBQ, Fried Chicken, Mais at ilan pang mga produktong hindi makikita sa loob ng palengke. Sakali anyang mailagay sa iisang pwesto ang mga panindang nabanggit, hindi ito maituturing na palengke.
Sinabi naman ni Market Admin Raul Gomez Jr. na kung anuman ang mapag-uusapan ng mga opisyal ng pamahalaang lokal ng Daet ay kanya itong ipatutupad. Subalit hanggang sa ngayon ay wala pa rin naman anyang linaw kung saan at kung kaylan ito maililipat.
Sa ngayon, aminado si Gomez na may mga mangilan-ngilan pa ring mga ambulant vendors na matitigas ang ulo at nagpupumilit pa ring magtinda sa mga ipinagbabawal na pwesto. Subalit kung gaano naman kakulit ang mga illegal na magtitinda ganun na lamang din katiyaga ang kanilang mga market guards na bantayan at paalisin ito sa mga bawal na pwesto.
Edwin Datan Jr.
Camarines Norte News