Daet, Camarines Norte (Marso 23, 2015) – Nakauwi na ang buong delegasyon ng Team Camarines Norte sa katatapos pa lamang na Palarong Bicol 2015 na ginanap sa Pili, Camarines Sur.
Nagtapos ang naturang koponan sa ika-anim na pwesto kung saan nakuha nito ang 21 gintong medalya, 35 silver, at 49 na bronze. Bagama’t hindi nakuha ang kampeonato, maraming bilang pa rin naman ng manlalaro mula sa Camarines Norte ang nakakuha ng gintong medalya kung saan magiging kabilang ang mga ito sa bubuo ng Team Bicol para sa Palarong Pambansa na gaganapin sa Tagum City Sports Complex, Tagum City, Davao Del Norte sa darating na Mayo 3-9, 2015.
Batay kay G. Antonio Ahmad, Administrator at Spokesperson ng Deparment of Education – Camarines Norte Division, hindi naman talaga aniya bumagsak ang Camarines Norte dahil nagkaroon lamang ng pagbabago sa sistema ngayong taon dahil tanging gold medal lamang ang naging basehan ng mga opisyal. Isang gold medal lamang din umano ang maaaring makuha ng bawat team sa team event o individual sports.
Itinanghal namang over-all champion ang Camarines Sur na siyang host ng Palarong Bicol 2015 kung saan nakakuha ito ng 86 na gold medals, sumunod ang Albay Province na nag-uwi ng 60 gold medals at pumangatlo ang Naga City na may 51 gold medals.
Base sa sa talaan, ito na ang pinakamababang pwestong nakuha ng Camarines Norte sa nakalipas na limang taon na pakikipagtunggali sa Palarong Bicol. Matatandaan din na huling itinanghal na kampeon ang Camarines Norte noong taong 2010 nang maging host ito ng Palarong Bicol.
(photo credits: Allan A. Vega)Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News