Daet, Camarines Norte (Marso 27, 2015) – Pinangunahan ng Bureau of Plant Industry (BPI) ang pagsasagawa ng pinakaunang Pineapple Harvest Festival sa lalawigan ng Camarines Norte noong Ika- 26 ng Marso 2015. Ito ay ginanap sa Camarines Norte Lowland Rainfed Research Station sa barangay Calasgasan sa bayan ng Daet. Ang tema ng pagdiriwang ay ang “ Adaptability of ULAM and MD2 Variety in Camarines Norte”. Ang dalawang bagong variety na ito ng pinya ang inaasahang maging isa sa mga maaaring solusyon sa lumiliit na bunga at kumokonting ani ng pinya sa lalawigan na siyang hinaing ng mga magsasaka.
Ang ULAM variety ay bunga ng matiyagang pananaliksik ni Dr. Acosta na siya ngayong may hawak ng intellectual property rights nito. Dahil dito hindi basta pwedeng itanim ang suhi nito nang hindi ipinapaalam kay Dr. Acosta. Ang ulam variety ay matamis, makatas, malambot ang laman at walang aftertaste o mahapding lasa sa dila. Sa isinagawang taste test sa Festival mas pinili ng mga dumalo ang ULAM variety kaysa sa MD2 at Queen Pineapple pagdating sa lasa at kalidad ng laman.
Ang MD2 naman ay isang nang public variety na kasalukuyang itinatanim sa Mindanao bilang pang-export. Ito ay makatas at may madalang at mababaw na mata. Ito ay mas makatas at malaki na parang Hawaii variety. Ito naman ang napili ng mga dumalo pagdating sa harvest quality tulad ng laki at tindig ng halaman at hitsura ng bunga.
Sa isinagawang programa at open forum tinalakay ni G. Inocencio Obrero isang pineapple expert ang mga naging problema sa ating kasalukuyang variety na Queen Pineapple o Formosa. Ilan sa mga nabanggit ay ang malalim na mata ng Formosa variety na lubhang nakakaapekto sa edible portion nito kung kaya nahihirapan itong matanggap sa export market.
Isa ito sa ninanais tugunan ng bagong mga variety ngunit desisyon pa rin ito ng mga magsasaka. Ayon sa BPI, inilalatag lang nila ang mga posibleng alternatibo sa mga magsasaka. Pagkatapos ng programa, sama-samang pumunta sa taniman ang mga dumalo at nag-ani ng pinya mula sa tatlong variety na itinanim sa Research Station.
Masasabing naging maganda ang naging adaptability ng mga bagong variety sa open field. Ang susunod na titingnan naman ay ang adapatability nito kapag itinanim sa ilalim ng mga puno ng niyog na siyang susunod na aanihin sa research station.
Cresencio B. Adlawan
Camarines Norte News