Naga City, Camarines Sur (Marso 27, 2015) – Binigyan ng papuri sa Abot-Alam Regional Launching sa Naga City noong Marso 20, 2015 ni Regional Abot-Alam Focal Person Ricardo M. Tejeresas, Education Program Supervisor II ng Department of Education Regional Office 5 (DepEd RO5) ang Camarines Norte bilang kauna-unahang probinsya sa Rehiyong Bikol na nakapaglunsad ng nasabing programa noon pang Nobyembre 27, 2014 na tinawag na Provincial Government Leading Intervention For Education-Alternative Learning System (PG LIFE-ALS). Dumalo sa okasyon si OIC Provl. Administrator Jose G. Boma na kumatawan kay Gob. Edgardo A. Tallado.
Panauhing pandangal sa naturang regional launching si Usec. Mario A. Deroquito, Undersecretary for Partnership and External Linkages ng Department of Education (DepEd) na dumalo rin sa program launching dito noong Nob. 27, 2014.
Binigyang-diin ni Usec. Deroquito ang tema ng okasyon na, “No Filipino Youth Left Behind” lalo na at hindi na lamang DepEd at National Youth Commission (NYC) ang kikilos para mahanap ang lahat ng OSYs at hikayatin sila na muling mag-aral para makapagtapos ng elementarya o hayskul o technical vocational course.
Ang mahalagang papel ng Department of Interior and Local Government (DILG); Department of Social Welfare and Development (DSWD); Department of Labor and Employment (DOLE); Department of Trade and Industry (DTI), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa implementasyon ng Abot-Alam Program ay binanggit ni Usec. Deroquito kasabay ang paghingi sa kanilang aktibong pagkilos para maabot ang zero out-of-school youth na target ng pamahalaang nasyonal at matiyak na walang isa mang Pilipino na maiiwan at mapagkakaitan ng karapatan sa edukasyon.
Signing of Memorandum of Agreement of government agencies in ABOT-ALAM Program of DepEd last November 27, 2014
Tampok din sa program launching ang paglagda ng mga regional officials/representatives ng mga nabanggit na ahensya sa Memorandum of Agreement (MOA) para sa Abot-Alam kasama na ang Commission on Higher Education Regional Office 5 (CHED RO5) at ang Children International Bicol. Binanggit din ni Usec. Deroquito ang mahalagang papel ng mga local government units (LGUs) na maaaring maglabas ng executive order at ordinansa para matiyak ang mahusay na implementasyon ng Abot-Alam sa kani-kanilang nasasakupan.
Sinabi rin niya na ang mga opisyal ng barangay ang pinaka-angkop na magsagawa ng mapping o paghahanap sa mga OSY sapagkat mas kilala nila ang kanilang mga residente at sila ang makapagbibigay ng most reliable data na gagamiting basehan sa pagpapatupad ng Abot-Alam Program.
Ito mismo ang ginawa ng LGU CamNorte na sa pamamagitan ng Community Affairs Office (CAO) na nagpapatupad ng PG LIFE-ALS ay kinuha ang serbisyo ng mga barangay secretaries sa lugar na sakop ng programa.
(photo credits: Mayor John Bongat)
Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News