Daet, Camarines Norte (Abril 13, 2015) – Matagumpay na idinaos noong ika-11 ng Abril 2015 sa Provincial Courtyard ang Mother Nature’s Son Exhibit ni G. Monico Benjamin Botor Jr. kasama ang mga piling pintor ng Camarines Norte. Ito ay bahagi ng pagdiriwang ng Bantayog Festival.
Ang pagbubukas ng exhibit ay pinangunahan ni Monsignor Echano, ang Kura Paroko ng St. John the Baptist Church ng Daet at ng ama ng lalawigan na si Gov. Edgardo Tallado. Kabilang din sa mga dumalo sina Vice Governor Jonah Pimentel at dating bokal Ligaya Pedron.
Ang mga guest artists sa naturang exhibit ay sina Cresencio B. Adlawan, Jolanda A. Apostol, Michael Gabriel Deauna, Dhon Jason de Belen, Arwin Diaz, Paulo Gerero at Charles Abarca.
Bahagi sa kikitain ng naturang exhibit at ibibigay sa pagpapagawa ng 1611 Quadricentennial Building ng St. John the Baptist Parish ng Daet.
Sa kanyang talumpati pinasalamatan ni Monsignor Echano ang mga pintor na nakilahok sa pagbabahagi ng kanilang talento hindi lamang sa pagbibigay ng inspirasyon kundi sa pagtulong din sa simbahan. Ayon sa kanya ang kanilang mga obra na bunga ng talentong ibinigay ng Diyos and kanilang pinakamahalagang pamana sa susunod na henerasyon.
Sinabi naman ni Gov. Tallado na umaaasa siya na ang naturang exhibit ay maging simula ng pagsigla ng sining sa lalawigan at sana at magkaroon na rin sa wakas ng national artist na manggagaling sa Camarines Norte. Nangako ang gobernador na magbibigay ng 200,000 pesos bilang panimulang pondo sa pagpapatayo ng Quadricentennial Building na ikinatuwa ng mga dumalo kabilang si Monsignor Echano.
Si Vice Gov. Jonah Pimentel naman ay nagpasalamat din sa mga artist dahil muli ay pinatunayan nila na kaya nilang pagandahin ang isang bagay o lugar na katulad ng nangyari sa Provincial Courtyard na sa ordinaryong araw ay para lang bakanteng espasyo sa kapitolyo ngunit naging isang nature park nang malagyan ng exhibit. Nangako rin ito ng tulong sa mga artist kung nais nilang gawing kanlungan ng sining ang nasabing lugar.
Ang exhibit ay matatagpuan sa Lobby ng Provincial Capitol mula April 13 -18, 2015. Ang profile ng bawat artist ay mababasa rin katabi ng kanilang mga obra. Ang sinumang nagnanais na bumili ng kanilang painting ay puwede silang itext o tawagan sa kanilang numero na nasa label ng kanilang painting.
Cresencio Adlawan
Camarines Norte News