Legazpi City, Albay (Abril 28, 2015) – Tumaas ang bilang ng tourist arrivals sa 5 lalawigan ng Bicol Region nitong nakaraang taong 2014, maliban sa lalawigan ng Camarines Norte ayon sa Department of Tourism – Region V (DOT-V).
Batay sa datos na ipinalabas kamakailan ng naturang kagawaran, umakyat sa 14.85% ang kabuuang bilang ng mga lokal na mga turistang bumisita sa rehiyong Bikol habang nagtala naman ng 8.35% na pag-angat sa bilang ng mga foregin tourists.
Noong nakaraang taon, umaabot sa bilang na 3,724,073 na mga turista ang bumisita sa Bicol Region, 2,970,744 sa mga ito ay local tourists at 753,329 naman ay mga foreigners.
Batay pa rin sa talaan ng DOT-V, ang lalawigan ng Masbate ang nakapagtala ng pinakamalaking pag-angat sa turismo sa 24.88% mula sa parehong local at foreign tourists. Mula sa 199,263 noong 2013 ay umakyat ito sa 248,838 noong 2014.
Pumangalawa naman ang Camarines Sur na may growth rate na 20.25% na mula sa 1,547,678 noong taong 2013 ay tumaas ito sa 1,861,010 noong 2014, samantalang pumangatlo ang lalawigan ng Catanduanes na may 15.65% increase mula 131,028 noong 2013 ay pumalo ito sa 151,534 noong 2014 na may 103.3% increase pagdating sa foreign visitors.
Ang dinarayong lalawigan ng Sorsogon para sa sight-seeing sa mga Butanding ay nasa ika-apat na pwesto na may 15.26% increase na mula 253,981 na pagbisita ng mga turista ay umakyat ng 292,747 na kung saan nakapagtala ito ng 36.8% na pagtaas ng bilang ng mga bumisitang foreign tourisst sa kabila ng pagkaunti ng mga nagpakitang Butanding sa naturang lalawigan.
Hindi naman umabot sa double-digit ang naging bahagdan ng Albay sa tourists arrivals kung saan nakapagtala lamang ito ng 8.92% na pagtaas na mula 880,427 noong 2013 ay umakyat lamang ito sa 958,931, gayundin ang pagkakaroon 4.45% na mga foreign visitors.
Sa anim na lalawigan, tanging Camarines Norte lamang ang nakapagtala ng negative growth sa tourists arrivals. Bumagsak ito sa 8.32% mula 230,157 noong 2013 ay bumaba ito sa 211,013 nitong nakaraang taon. Sumadsad din sa 14,366 ang mga bumisitang turista mula sa labas ng bansa sa lalawigan ng Camarines Norte nitong 2014 mula sa 41,888 noong taong 2013 na nagbunga sa pagkaroon 65.7% na pinakamalaking pagbaba sa pagbisita ng foreign tourists.
Samantala, kasalukuyan pa ring pinag-aaralan ng tanggapan ng DOT ang naturang datos, partikular na ang mga posibleng dahilan ng pagbaba ng bilang ng mga turista sa Albay at Camarines Norte.
Umaasa naman ang Provincial Tourism Office (PTO) sa pamumuno ni Mr. Mariano “Bong” Palma na makakabawi ang lalawigan ngayong taon lalo na’t sa bayan ng Daet gaganapin ang Gayon Bicol 2015 at sa patuloy pa ring nakikilala ang mga patok na tourist destinations tulad ng Calaguas Island na dinarayo tuwing summer.
Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News