Vinzons, Camarines Norte (Hunyo 5, 2015) – Anim na buwan mula sa ngayon ay maaari nang mapasimulan ang pagtatayo ng pasilidad para sa serbisyo ng kuryente sa isla ng Calaguas, bayan ng Vinzons, Camarines Norte.
Ito ang nabatid kay Governor Edgardo Tallado at si Vice Governor Jonah Pimentel na siyang pangunahing nagsusulong ng pagpapalagay ng kuryente sa nasabing isla katuwang si Board Member Polo Gache at ilan pang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.
Nabatid sa naturang mga opisyal na nakipag-ugnayan na sila sa National Grid Power Corporation (NGCP) na siyang magsasagawa ng electric facility sa Calaguas Island at kamakailan din ay nakapagsagawa na ng ocular inspection at pag-aaral sa isla.
Pinag-aaralan pa ng mga technical person ng NGCP kung Diesel powered generator o Solar Power ang itatayo upang magpatakbo ng elekrisidad, at hindi pa rin matiyak kung ang Camarines Norte Electric Cooperative (CANORECO) ang mangangasiwa dito o ang mismong mga pamahalaang barangay sa Calaguas Island.
Mabebenipisyuhan ng nasabing proyekto ang mga barangay ng Banocoboc, Pinagtigasan, Mangcawayan na sa loob ng mahabang panahon ay hindi pa nakakaranas ng serbisyo ng kuryente hanggang sa ngayon.
Sakaling maisakatuparan ang naturang proyekto, isa ito sa pinakamagandang regaling matatanggap ng mga residente ng isla sa mga opisyal ng lalawigan na nasa likod ng inisyatibong ito.
Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News