IKA-154 NA TAONG KAARAWAN NI DR. JOSE RIZAL, GINUNITA SA CAMARINES NORTE!

608

Daet, Camarines Norte (Hunyo 19, 2015) – Ginugunita ngayon sa lalawigan ng Camarines Norte ang ika-154 anibersaryo ng kapanganakan ng bayaning si Dr. Jose P. Rizal sa pamamagitan ng commemorative program bilang pag-alala sa kanyang nagawang kabayanihan sa ating bansa. 

Isinagawa ito sa Liwasan ng mga Bayani sa bayan ng Daet kung saan matatagpuan ang pinakaunang bantayog ni Rizal na itinatag noong buwan ng Pebrero 1899. 

Pinangunahan ito ng Museum Archives and Shrine Curation Division (MASCD) ng pamahalaang panlalawigan. Sa bahagi ng programa, sinimulan ang pagtataas ng bandila kasunod ang panlalawigang awit ng Martsa Camarines Norte at nagbigay naman ng mensahe si Bokal Emmanuel Joaquin G. Pimentel sa naturang programa.

608

Ayon kay Bokal Pimentel, ang selebrasyon sa araw na ito ay para sa mga kabataan at mga nanunungkulan sa ating pamahalaan at ang mga nararanasan natin ngayon ay mga pagsubok upang tayo ay bumangon kung ihahalintulad sa mga naranasan ng ating pambansang bayani. Aniya, hindi ito ang dahilan para tayo ay sumuko at ipagpatuloy na maging inspirasyon ang buhay ni Rizal sa bawat isa sa atin upang mas higit pa na makatulong at makapaglingkod ng maayos sa ating bayan.

Dumalo sa naturang pagdiriwang ang mga miyembro ng Knights of Rizal, Philippine National Police (PNP), Philippine Army, at mga estudyante ganundin ang mga mag-aaral sa kindergarten at iba pang mga nakiisa dito.

608-1

Si Rizal ay ipinganak noong Hunyo 19, 1861 sa Calamba, Laguna at namatay noong Disyembre 30, 1896 sa edad na 35 taong gulang at 119 taon ng gugunitain ang kanyang anibersaryo ng kamatayan sa buwan ng Disyembre ngayong taon. 

Samantala, kaalinsabay din ng naturang selebrasyon ang paglulunsad ng Likhang Sining na nakatuon sa temang “Jose Rizal: Tanglaw sa Tuwid na Landas”. Ito ay paligsahan na may kaugnayan sa talambuhay ni Rizal na kung saan isasagawa ito sa buwan ng Disyembre 30 ngayong taon bilang paggunita sa araw ng kanyang kamatayan. Lahat ng mga mag-aaral ay maaaring lumahok sa paligsahan ganundin ang amateur playwrights at stage thespians na nakatira sa Camarines Norte. 

Ang mga magwawagi sa paligsahan ay tatanggap ng P5,000 sa unang puwesto; P4,000 sa pangalawa at P3,000 sa ikatlong puwesto at kalakip din nito ang mga tropeyo. Tatanggap naman ng P500, medalya at sertipiko ng pakikilahok ang bawat isa sa mapipiling best actor, best actress, best director at best playwright. 

Ito ay bahagi pa rin sa selebrasyon ng ika-117 Araw ng Kalayaan sa temang “Kalayaan 2015: Tagumpay ng Pagbabagong Nasimulan, Abot-Kamay na ng Bayan”.

Reyjun Villamonte
Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *