ANG MGA ULAT MULA SA KAMPO NG MILITAR AT NPA HINGGIL SA ENGKWENTRONG NAGANAP SA PAGITAN NG DALAWANG PANIG SA CAMARINES NORTE!

Balita mula sa New Peoples Army:

Hulyo 20, 2015 Pinakamataas na parangal ang iginagawad ng NDF-Bicol kay Romeo Gresola o kasamang Gomar ng Armando Catapia Command sa pagbuwis niya ng buhay kaninang alas 10 ng umaga sa Brgy. Sta. Elena, Panganiban, Camarines Norte. 

Inatake ng mga mandirigma ng ACC ang kampo ng CAFGU at 49th IB bilang tugon sa hiling ng mga tagabaryo na parusahan ang mga abusado at mangongotong na Cafgu at sundalo. 9 ang kumpirmadong patay at 1 ang malubhang sugatan sa hanay ng mga Cafgu at sundalo. 

Sa proseso ng labanan ay tinamaan si Ka Gomar at namartir. Tubong Bulacao, Gubat, Sorsogon si Ka Gomar, Inialay nya ang kanyang buong buhay para sa rebolusyonaryong mithiin ng mamamayan na makaalpas sa labis na kahirapan at pang-aapi. 

Samantala, ayon sa pinakahuling ulat ng Armando Catapia Command, sinunog kahapon, Hulyo 19 bandang alas 10 ng umaga, ng mga pulang mandirigma ang kampo ng Charlie Coy ng 49th IB sa Brgy. Dumagmang, Labo, Camarines Norte habang nasa operasyon ang mga sundalo. Natupok ang mga kubo ng 49th IB na matagal nang inirereklamo ng mga taumbaryo dahil itinayo ang kampo ilang metro lamang ang layo sa mga kabahayan.

Maria Roja Banua

Balita mula sa kampo ng Sundalo ng Pamahalaan:

Isang kasapi ng NPA ang nasawi sa pinakahuling engkwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga rebelde dakong alas 10:00 ng umaga, Hulyo 20, sa Brgy Sta. Elena, Jose Panganiban, Camarines Norte. 

Ayon sa report, nagsasagawa ng security patrol sa lugar ang mga sundalo mula sa Sta. Elena Detachment sa pangunguna ni Sgt. Pujeda nang makasagupa ang mahigit kumulang 7 armadong NPA. Kaagad na tumakas ang mga rebelde sa 5 minutong bakbakan. Narekober sa lugar ng engkwentro ang bangkay ng isang NPA. 

Sugatan din sa naturang engkwentro ang isang kasapi ng CAFGU na si CAA Hubert S. Pagao na nilapatan ng pangunahing lunas bago isinugod sa ospital. Mariing kinokondena ng pamunuan ng 9ID ang walang habas na pagpapaputok ng mga rebeldeng NPA dahil hindi man lang iniisip ng grupong ito ang posibleng matamaan na mga sibilyan sa paligid. 

Patunay lang na lalo silang nagiging desperado dahilan sa mangilan-ngilang myembro nagsasagawa ng kaguluhan. Una nang pinaalalahanan ni MGen Yerson Depayso, Commander ng 9ID na maging alerto sa anumang aksyon ng NPA at laging unahin ang kapakanan ng mga sibilyan sa paligid dahil sila ang unang poprotektahan laban sa rebeldeng grupo.

Pinaigting na ng Philippine Army ang seguridad laban sa mga serye ng kaguluhan na inilulunsad ng rebeldeng grupo at patuloy na magbabantay para sa kaligtasan ng mga sibilyan.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *