Inilunsad ng INSOL (Innovative Solution) Foundation nitong ika- 21 ng Hulyo 2015 ang pinakaunang franchise ng kanilang Enterprise Center sa Camarines Norte. Ito ay kanilang partnership sa Labo Multi-Purpose Cooperative( LPMPC ) na siyang may-ari ng nasabing franchise sa Camarines Norte. Ang Belgian NGO na TRIAS ang siyang tumulong sa LPMPC na makuha ang franchise upang matulungan ang mga middle entrepreneurs na umunlad sa pagnenegosyo.
Ang nasabing paglulunsad ay sinimulan sa isang motorcade mula sa bayan ng Labo na tumuloy sa Little Theater ng CN Agro- Sports Center sa bayan ng Daet para sa isang palatuntunan. Ito ay dinaluhan ng mga kinatawan ng mga kooperatiba sa lalawigan, mga negosyante, opisyal ng INSOL Foundation sa pangunguna ng kanilang CEO na si Mr. Gavin Bunker, mga opisyal ng TRIAS Foundation na pinagunahan ng kanilang Country Head na si Ms. Gudrun Cartuyvels at ng mga empleyado ng LPMPC sa pangunguna ni General Manager Mario Espeso. Dumalo rin sa okasyon si Board Member Romeo Marmol bilang kinatawan ni Governor Edgardo Tallado.
Sinabi ni Mr. Gavin Bunker sa kanyang pananalita sa palatuntunan na ang middle entrepreneurs ay may asset na hindi hihigit sa 1.5 million at hindi lalampas sa 20 manggagawa na maaaring single proprietor, partnership o di kaya ay community enterprise. Sila ang maaaring maging miyembro ng enterprise para matulungan silang masulosyunan ang kanilang mga pangangailangan sa Management, Marketing, Operational at Financial na aspeto ng kanilang negosyo.
Marami sa ngayon ang nagnenegosyo at nalulugi dahil kulang sa kaalaman at mga diskarte na tugma sa pinasok nilang negosyo. Dahil sa mabilis na takbo ng kalakaran sa pagnenegosyo, mas mahigpit ang kompetisyon kung kaya’t kailangan na may tutulong at gagabay sa kanila upang hindi sila mapag-iwanan at masayang ang kanilang pinaghirapang puhunan lalo pa kung ito ay inutang lamang.
Ang INSOL Enterprise Center ay dinala ng LPMPC sa Camarines Norte upang matulungan ang mga negosyante ng lalawigan lalo na ang mga nasa sector ng agrikultura na umunlad nang sa gayon ay makatulong sa ekonomiya ng lalawigan. Nais din ng LPMPC na maging sustainable ang mga negosyo nila upang hindi masayang ang mga puhunang ipinahihiram ng kooperatiba.
Para sa mga negosyanteng naglalayong maging miyembro ng IEC (Insol Enterprise Center) maaari silang makipag-ugnayan kay Mr. Juan Carlos Suzara, ang manager ng IEC Camarines Norte sa opisina ng LPMPC sa Malasugui, Labo o tumawag sa 585-2455 para sa karagdagang inpormasyon.
Cres B. Adlawan
Camarines Norte News