Proposed Design of Larap International Airport (in 3D design) Note: Design of the runway and other structures of the Airport not yet included
Natanggap na ni Jose Panganiban Mayor Ricarte “Dong” Padilla ang endorsement mula sa dalawang airline company na Cebu Pacific at Sky Jet hinggil sa posibilidad ng pagtatayo ng international airport sa Barangay Larap sa naturang bayan.
Ang Larap International Airport ay isa sa mga pangunahing pangarap ni Mayor Dong Padilla na inaasahang magiging malaking tulong sa ekonomiya at turismo hindi lamang ng Jose Panganiban kundi ng buong lalawigan ng Camarines Norte.
Mismong ang negosyanteng si Ramon Ang ng San Miguel Corporation at kasama ang iba pang mga Filipino Business Group ang nagsagawa ng pag-aaral sa lugar at sinabing malaking potensyal at maaari talagang maitayo ang isang pambansang paliparan sa naturang lugar.
Sinabi umano ng grupo ni Ramon Ang na sila na mismo ang magpapagawa ng pasilidad ng airport kasama na ang mga Hotels and Casinos na tataguriang “Mini Clark Project.”
Ayun naman kay Mayor Dong Padilla, isa na rin itong paghahanda ng lalawigan para sa Asean Integration ngayong mga susunod na taon.
Ipinaliwanag ng alkalde na kung bakit ang bayan ng Jose Panganiban ang syang napili ng mga investors na gawing Internationa Airport. Ito ay dahilan na rin anya sa lawak ng lugar sa Barangay Larap na umaabot sa 2.5 kilometro ang runway nito. Samantalang kung ihahabol dito ang haba ng Bagasbas airport ng Daet, maraming kabahayan pa ang maaapektuhan.
Feasible din anya ang Jose Panganiban para sa naturang pambansang paliparan dahilan sa mismong kinalalagyan nito, at sa tinatawag na nito na hindi lamang ang Camarines Norte ang mapagsisilbihan at makikinabang kundi maging ang mga karatig lalawigan na ilang bahagi ng Quezon at unang distrito ng Camarines Sur. Magsisilbi na ring Gateway to Calaguas Island ang Jose Panganiban sakaling magsimula nang mag operate ang nasabing paliparan. Ang Calaguas Island ang isa sa dinarayong tourism destination sa lalawigan, maliban pa sa Bagasbas Beach at iba pang lugar sa Camarines Norte.
Ang Larap International Airport ay katabi lamang ng idineklarang economic zone, kung kaya’t mas inaasahan dito ang tuluyan nang pag-usad nito. Malaki anya ang magiging kapakinabangan nito sa buong lalawigan ng Camarines Norte.
Camarines Norte News