DAET, Camarines Norte, Agosto 5 — Nagsanay sa kahandaan sa kalamidad ang mga mag-aaral sa elementarya, sekondarya at kolehiyo mula sa 67 pribado at pampublikong paaralan sa lalawigan ng Camarines Norte sa pamamagitan ng ika-4 na Provincial Disaster Risk Reduction and Climate Change Adaptation (DRR/CCA) Skills Olympics.
Isinagawa ito sa loob ng tatlong araw kamakailan sa Sanayang Pangkaligtasan sa bayan ng Vinzons sa pangunguna ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng pamahalaang panlalawigan.
Sa kategorya para sa elementarya, tinanghal na kampeyon ang Pandan Elementary School mula sa bayan ng Daet, unang puwesto ang Talisay Elementary, pangalawa ang Daet Elementary at pangatlong puwesto ang Labo Elementary School.
Ang Jose Panganiban National High School naman ang tinanghal na kampeyon sa sekondarya, unang puwesto ang Camarines Norte National High School ng bayan ng Daet, pangalawa ang Basud Elementary School at pangatlong puwesto ang Camarines Norte State College (CNSC)-Laboratory High School.
Sa dalawang kolehiyo na lumahok ay tinanghal na kampeyon ang CNSC Main Campus at unang puwesto ang CNSC Labo Campus.
Ang mga nagwagi ay tumanggap ng P20,000 para sa champion, P15,000 sa unang puwesto, P10,000 sa pangalawa at P5,000 para sa ikatlong puwesto kasama ang tropeyo.
Ang mga nanalo naman sa iba pang paligsahan ay tumanggap ng P1,500 sa unang puwesto, P300 sa pangalawa at P200 sa pangatlong puwesto.
Tumanggap rin ng halagang P1,500 ang lahat na paaralan na lumahok sa naturang paligsahan at sertipiko ng pakikilahok sa mga mag-aaral at mga tagapagsanay.
Sa pagbubukas ng programa, isinagawa ang “Talakayan sa PIA” na pinangunahan ng Philippine Information Agency (PIA) Camarines Norte kung saan pinag-usapan dito ang mga kahandaan sa kalamidad at sakuna ganundin ang mga programa at iba pang usapin ng mga naging tagapagtalakay ng lokal na pamahalaan ng lalawigan at mga bayan ng Daet, Jose Panganiban, Labo, Paracale at Vinzons.
Panauhing pandangal ang mga Local Disaster Risk Reduction and Management Officer sa pangunguna ni PDRRMO Antonio Espana, Public Information Officer Rachelle Anne Miranda mula sa Office of the Civil Defense (OCD 5) at Ferdinand Ferrer kinatawan ng Philippine Red Cross ng Camarines Norte.
Ito ay bahagi ng National Disaster Consciousness Month sa buwan ng Hulyo na may temang “Pamilya at Pamayanang Handa, Katuwang sa Pag-unlad ng Bansa”.
Reyjun Villamonte
Photo credits to Romil del Moro
Camarines Norte News