MAYOR RONNIE MAGANA NG TALISAY, HINILING SA OMBUDSMAN NA HUWAG MUNANG MADISMISS ANG ANIM NYANG KAWANI!

Talisay, Camarines Norte (August 11, 2015) – Hihilingin ni Mayor Ronnie Magana ng bayan ng Talisay, Camarines Norte na huwag munang tanggalin sa serbisyo ang anim na kawani ng Pamahalaan Lokal ng Talisay na pinadidismiss ng Office of the Ombudsman hinggil sa umano’y pagkakasangkot sa Fertilizer Scam noon pang taong 2011.

Sa panayam ng Camarines Norte News kay Mayor Magana, sinabi nito na labis na maaapektuhan ang takbo ng pagseserbisyo ng pamahalaang lokal ng Talisay sa kanilang mamamayan kung sakaling tuluyan na ang mga itong aalisin sa serbisyo.

Pawang mga mahahalagang posisyon ang ginagampanan ng anim na mga nasasangkot kung kaya’t matindi anya ang magiging epekto nito sa kanilang pamahalaan.

Si Mayor Magana ang naatasan ng Ombudsman na magpatupad ng nasabing dismissal order subalit nagkaroon lamang ng pagkakamali sa dispositive portion ng nasabing desisyon. Bagamat sa kanya naka address ang endorsement ng Ombudsman, ang alkalde ng Iriga City ang nakasulat dito para magpatupad.

Sinabi ng alkalde na alam nya na ito ay maaaring pagkakamali lamang sa pagkakasulat subalit kinakailangan nyang magpadala ng clarificatory letter sa Ombudsman para maituwid ito. Sakali anyang maisaayos na ito, pagbalik sa kanya ng kaatasan ay wala syang magagawa kundi ipatupad ang pagpapatalsik sa nasabing mga kawani.

Gayunpaman, kasabay nito ay magpapadala naman sya ng sulat sa Ombudsman na maikonsidera ang magiging kahihinatnan ng pamahalaang lokal ng Talisay at huwag na munang maipatupad ito hanggat hindi pa tuluyang nagiging pinal ang desisyon.

Sa kasalukuyan ay nakapasumite na ng Motion for Reconsideration ang grupo ng mga kawaning sangkot sa pag-asang mababago pa ang desisyon.

Naniniwala din si Magana na walang kasalanan ang nasabing mga kawani dahil sa matagal nang panunungkulan ng mga ito at kilala na nya na pawang mga matutuwid ang mga ito sa kanilang trabaho. Sa katunayan anya, sila ang naging katuwang nya kung bakit tatlong sunod na taon ang bayan ng talisay na nabigyan pagkilala ng DILG bilang pinaka transparent  at maayos ang pamamahala na LGU sa bansa.

Gayunpaman, habang wala pang tugon ang Ombudsman sa kanyang kahilingan, susunod sya sa naturang kautusan dahil base na rin anya sa isinasaad ng batas na ang desisyon ng Ombudsman ay immediately executory kahit hindi pa ganap na pinal at dumadaan pa sa ilang mga korte katulad ng court of appeals at Kataas-taasang hukuman.

Click to see related post 

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *