Dahil sa nalalapit na ang susunod na Civil Service Examination ay sisimulan na ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Youth Affairs Office (PYAO) ang Phase 4 ng “Free Civil Service Review: Handog sa Inyo Program!” ngayong buwan ng Agosto.
Tulad ng Phase 1, 2 at 3, ito ay isasagawa sa CN Little Theater tuwing araw ng Sabado at Linggo. Magsisimula ito Agosto 15, 2015 hanggang Oktubre 11, 2015, isang linggo bago ang Civil Service Exam sa Oktubre 18, 2015.
Ang mga aralin at magiging tagapagturo sa naturang Free CS Review ay ang mga sumusunod: English – Prof. Delma Jean Abad, Mathematics – Prof. Jennifer Rubio at Prof. Jayson Vargo, at Philippine Constitution – Atty. Feadel Seneta. Ang dalawang aralin na idadagdag dito ay ang Abstract/Logical Reasoning na ituturo ni Prof. Elsa Manlangit at para sa Filipino – Prof. Erwin Echano.
Matatandaan na sa 3 nakalipas na CS Review may kabuuang 876 ang dumalo rito na kung saan 358 sa kanila ang kumuha ng Civil Service Examination at 76 sa mga ito ay nakapasa o 21.23% passing rate.
Ang gastusin para sa honorarium ng mga propesor at iba pang mga bayarin ay sinagot ng pamahalaang panlalawigan na naglaan ng pondong P149,750.00 para sa naturang programa.
Dahil dito, ang kinakailangan lamang dalhin ng magre-rebyu ay: ballpen, notebook, papel at kaunting halaga para sa pagpapa-xerox ng ilang mga modyul.
Ang mga interesadong mapabilang sa libreng CS review ay maaari nang magpalista ngayon sa tanggapan ng PYAO sapagkat ang maximum reviewees dito ay 300 katao lamang.
Samantala, ang pagtanggap ng aplikasyon para sa mga nais kumuha ng Civil Service Exam (Sub-Proffessional at Proffessional) ay nagsimula noon pang Mayo 25, 2015 at magtatapos sa Setyembre 3, 2015. Mark Ong/ Jing Arriola Calimlim