Labis na ikinatuwa ni Jose Panganiban Mayor Ricarte “Dong” Padilla ang suportang ipinakita ng Sangguniang Panlalawigan sa hangarin nyang magkaroon ng International Airport sa kanilang bayan.
Kahapon, August 19, 2015 sa bayan ng Jose Panganiban, Camarines Norte isinagawa ang regular session ng SP. Bago ang sesyon, tinungo muna nina Vice Governor Jonah Pimentel kasama ang kanyang mga kasamahang bokal ang Brgy Larap kung saan dito ang proposed International Airport.
Sa pagsisimula ng sesyon, ipinaliwanag ni Mayor Padilla ang mga benepisyong matatamo ng buong lalawigan sakaling matuloy ang nasabing proyekto.
Hindi rin maiwasan na maikumpara sa bayan ng Daet ang naturang lugar subalit paliwanag ng alkalde, konti na lamang ang magiging gastusin sa pagpapatayo nito sa kanilang bayan dahilan na rin sa halos nakahanda na ang pag tatayuan nito na may haba na naaayon sa international standard ng mga paliparan. Kumpara sa bayan ng Daet, aabutin pa anya sa mahigit kalahating bilyong piso ang gagastusin sa acquisition pa lamang ng lupang dadaanan ng airstrip. Maraming taniman at kabahayan ang kailangang alisin upang masunod lamang ang tamang haba ng paliparan para sa isang International Airport.
Matagal na rin anyang naideklara bilang Special Economic Zone ang naturang lugar kung kayat mas lalong mapapalakas ang kalakalan at ekonomiya dito.
Maging sa usapin ng turismo, malaking tulong din anya ito dahil sa mas mapapalapit na ang bihaye sa Calaguas Island na kilala na rin sa larangan ng turismo, gayundin sa iba pang mga tourist destinations sa Camarines Norte.
Bagamat may pag aalinlangan pa ang ilang miyembro ng Sanguniang Panlalawigan, mas minarapat ng mga ito na i-indurso na ito sa Nationa Economic and Development Council (NEDA) upang mapag-aralan ang feasibility nito.
Una na ring nabatid kay Mayor Dong Padilla na may mga pribadong negosyante na na nagpaabot ng interes upang pondohan ang pagpapatayo ng International Airpot subalit sa ngayon ay mas tinitingnan ni Padilla na sa pamahalaang nasyunal ito idulog.
Sa ganitong sitwasyon, mas magkakaroon anya ng direktang control ang gobyerno ng pilipinas na patakbuhin ito. Nangangamba kase ang alkalde na baka matulad ito sa isang lalawigan sa bansa kung saan mga pribadong mamumuhunan at mga may-ari ng airline company ang nagpatayo ng airport. Doon anya, nagkakaroon ng hindi patas na sistema ng pamamahala ng airport at napapaboran lamang ng husto ang airline company na isa sa nagpatayo ang paliparan.
Ayaw itong mangyari ni Mayor Dong Padilla sa kanilang bayan kung kay’t umaasa sya na mabibigyan ito ng pansin ng pamahalaang pambansa.
Maaari anyang mag-tulong tulong ang mga ahensya ng pamahalaan, katulad ng DOTC, Department of Tourism (DOT), at maging ang DILG.
Samantala, dahil sa positibong pagtugon dito ng Sangguniang Panlalawigan, sinabi ni Padilla na nagpapasalamat sya kina Vice Governor Jonah Pimentel at sa mga kasamahan nito na bagamat alam naman ng lahat na hindi sila magkasama sa pulitika ay nakita nyang isinantabi ng mga ito ang pulitika para lamang sa kapakanan ng pag unlad ng lalawigan.
Gayunpaman, sa kabila ng masidhing hangarin ni Padilla na maisakatuparan ang naturang paliparan sa kanilang bayan, sakali naman anyang mas mauna itong maisagawa sa bayan ng Daet ay isa sya sa mga pangunahing matutuwa at magpapasalamat dahil itoy bahagi pa rin ng pag unlad ng Camarines Norte.
Sinabi din ng alkalde na nakikita nyang nakasuporta din sa kanya sa nasabing hangarin sina 1st District Representative Catherine Reyes, 2nd District Representative Elmer Panotes at si Governor Edgardo Tallado. Inihayag ni Padilla ang pasasalamat sa naturang mga opisyal.
Dahil anya sa nakikita nyang pagkakaisa ng mga opisyal ng lalawigan sa isyu ng nasabing airport, nakikita nyang may magandang bukas na naghihintay sa lalawigan ng Camarines Norte.
Camarines Norte News