CURFEW ORDINANCE SA LALAWIGAN NG CAMARINES NORTE, IPATUTUPAD NA.

Curfew-608

Multang P1,000.00, 1 araw na community service at counseling session para sa 1st offense, P3,000.00, 2 araw na community service at counseling session para sa 2nd offense at sa 3rd offense naman ay P5,000.00, 1 linggong community service at pag-turn over ng bata sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang magiging penalidad sa sinumang lalabag sa Provincial Ordinance no. 13-2015 o ang “Ordinance Imposing Curfew Hours Among Minors in the Province of Camarines Norte and Providing Severability Thereof” na mas kilala sa tawag na Curfew Ordinance.

Ito ay iniakda ni BM Pamela Pardo upang mapangalagaan at mailayo sa kapahamakan at mga masasamang gawain ang mga kabataang menor de edad sa pamamagitan ng pagpapatupad ng curfew. Ginawang basehan dito ang Republic act 9344 o ang “Juvenile Justice and Welfare act of 2006” at ang Presidential Decree no. 603 o ang “Child and Youth Welfare Code”. Nakasaad sa dalawang nasambitang batas ang wastong oras ng curfew para sa mga menor de edad at nakalagay rin dito na posibleng mabawasan ng hanggang 10 porsyento ang mga insidente ng kriminalidad sa kalsada kung maipatutupad ng maayos ang curfew hours.

Saklaw ng ordinansa ang lahat ng mga bata at kabataang na wala pa sa edad 18 o 17 taong gulang pababa. Sila ay pinagbabawalang nasa labas ng kanilang mga tahanan o tinutuluyan pagsapit ng alas – 9 ng gabi hanggang alas – 4 ng madaling araw. Sila rin ay pinagbabawalang manatili at pumasok sa mga bahay inuman, komputeran at iba pang mga kahalintulad na establisyemento pagsapit ng ganitong mga oras. Kung sakaling mahuhuli ang mga kabataan sa loob ng mga business establishment na nabanggit ay mayroong pananagutan sa batas ang may-ari o tagapangasiwa ng naturang gusali at sila ay magmumulta ng halagang P5,000.00 sa bawat batang mahuhuli.

Hindi naman sakop ng ordinansa ang mga kabataang may kasamang magulang o guardian, mga nagbyabyahe patungo sa isang lugar na pinayagan ng magulang o guardian, mga naghahanap-buhay na mayroong parent consent at pahintulot mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) mga pinahintulutang makilahok sa aktibidad ng paaralan, simbahan, gobyerno at mga non-government organizations, sitwasyon na ang bata ay nasa ilalim ng emergency, mga batang na sa harapan ng kanilang tahanan at lahat ng mga may edad na 18 taong gulang pataas.

Sa mga mahuhuling bata ay pansamantala silang ikukulong sa pinakamalapit na himpilan ng barangay o pulis kung saan kinabukasan ay agaran rin silang palalayain matapos silang tubusin ng kanilang mga magulang, guardian o pinakamalapit na kamag-anak ngunit matapos silang matubos ay kinakailangan nilang managot at mag-multa base sa nakasaad na penalidad para sa kanilang paglabag. Kung sakaling walang tumubos sa bata ay ililipat ito sa PSWDO o kaya sa Deparment of Social Welfare Development (DSWD) kung kinakailangan.

Kabilang sa mga ahensyang magpapatupad ng ordinansa ay ang Philippine National Police (PNP), mga barangay tanod at officials, mga Municipal Social Welfare and Development Offices (MSWDO) ng bawat bayan at ang PSWDO. Inaasahan tuluyan na itong maipatutupad sa buwan ng Setyembre, 30 araw matapos ito mailathala sa 2 lokal na pahayagan sa ating lalawigan.

Mark Ong/ Jing Arriola Calimlim 

For Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *