DAET, Camarines Norte, Setyembre 2 (PIA) — Tampok ang pagtatanim ng Bakawan sa unang araw ng selebrasyon ng ika-115 Anibersaryo ng Serbisyo Sibil ngayong buwan ng Setyembre sa lalawigan ng Camarines Norte.
Sa pamamagitan ito ng isinagawang Mangrove Tree Growing Activity kahapon sa Barangay Manguisoc sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte.
Umaabot sa mahigit 10,000 binhing Bakawan ang naitanim sa pangunguna ng Civil Service Commission (CSC) dito katuwang ang tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources(DENR) ng lalawigan.
Nakiisa dito ang mga tanggapan mula sa pamahalaang lokal at nasyunal, mga mag-aaral, mga pribadong tanggapan at ibat-ibang organisasyon sa Camarines Norte.
Ayon sa pahayag ni Acting Director Rosalinni V. Moneda ng CSC Camarines Norte Field Office, ang naturang gawain hindi lang dito sa Camarines Norte isinagawa maging sa buong rehiyong Bikol ang pagtatanim ng Bakawan kaugnay ng pagsisimula sa selebrasyon ng ika-115 Anibersaryo ng Serbisyo Sibil.
Aniya, sa lahat ng kawani ng gobyerno sa ating tema na “Kayang kaya mo, Lingkod Bayani!” ay isang hamon lalo na sa ating ginagampanang tungkulin sa pamahalaan na gawin ang nararapat na paglilingkod at pagbibigay serbisyo.
Samantala, sa Lunes (Setyembre 7) sa kapitolyo probinsiya ay ang pagbubukas ng programa kaugnay pa rin sa naturang pagdiriwang sa pamamagitan ng pagtataas ng bandila na pangungunahan nina Gobernador Edgardo A. Tallado at Acting Director Moneda ng CSC.
Isasagawa rin ang pagbubukas ng Inter-Agency Sports Competition kung saan kabilang sa mga kompetisyon ang basketball, volleyball, badminton at iba pang palaro.
Maliban pa dito ay magkakaroon naman ng misa ng pasasalamat sa Agro-Sport Center at sa ganap na ika-6:00 ng gabi ay ang Flash/Penlight Parade na magsisimula sa kapitolyo probinsiya.
Reyjun Villamonte
Camarines Norte News