Daet, Camarines Norte (Oktubre 15, 2015) — Patay ang isa sa apat na batang magpipinsan na naglalaro sa kanilang bakuran matapos na ang mga ito’y pagtatagain ng isang binata na biglaang pumasok sa sinasabing tahanan na pagmamay-ari ng isang Melanie Avancena. Habang ang 3 bata at 1 sa mga nanay ng mga bata ay sugatan at agaran namang isinugod sa Camarines Norte Provincial Hospital. Naganap ang insidente kaninang humigit-kumulang alas-10 ng umaga sa Purok 5, Brgy. Lag-On, Daet, Camarines Norte.
Kinilala ang mga biktima na sina Frances Joy, 4 na taong gulang; John Casley, 12 taong gulang; Gianne Quibral, 5 taong gulang; Jade, 1 taon at 6 buwan gulang; at Melanie Avancena (ina ni Jade).
Ang pinakabatang biktima ay dineklarang “dead on the spot” dahil na rin sa lubha ng mga tinamo nitong sugat sa ulo at iba pang parte ng katawan.
Ang tatlong bata ay ligtas na sa tiyak na kamatayan ngunit patuloy na nanatili sa hospital upang magpagaling ng mga tinamong sugat. Samantala, ang ina naman ng batang namatay ay tulala pa rin sa bilis ng mga pangyayari at patuloy ang paglunas sa tinamong sugat sa ulo at mga kamay.
Kinilala ang suspek na si Mark Angelo Concepcion, binata, 23 taong gulang at residente rin ng Purok 5, Brgy. Lag-On, Daet, Camarines Norte. Sinasabing may diperensya umano sa pag-iisip ang suspek at ito’y pagalagala lamang umano sa kanilang lugar. Ayon pa sa impormasyon, ang suspek ay dalawang taon ng pabalik-balik sa Cadlan Mental Hospital sa bayan ng Pili, Camarines Sur.
Karagdagan pang impormasyon, ang suspek ay nakaalitan diumano ang kapatid ni Ginang Avancena kung kaya’t ng hindi matagpuan ang pakay sa bahay ay ang mga bata ang napagbalingan ng galit.
Abot-abot naman ang paghingi ng paumanhin ng kapatid ng suspek sa nasabing pangyayari. Kasalukuyang nakakulong ang naturang suspek sa Daet Municipal Police Station.
Orlando Encinares
Camarines Norte News