DAET, Camarines Norte, Oktubre 15 — Tampok ang paligsahan sa Oratorical at Poster Making Contest sa lalawigan ng Camarines Norte kaugnay sa pagdiriwang ng ika-52 Fish Conservation Week simula Oktubre 19 hanggang 23 ngayong taon.
Pangungunahan ito ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) sa pakikipagtulungan ng Provincial Fisherfolk Council of Leaders (PFCL) ng Camarines Norte.
Ang mga kalahok ng naturang paligsahan ay mga mag-aaral mula sa elementarya at sekondarya ng pribadong paaralan ng lalawigan kung saan ito ay gaganapin sa Oktubre 22 sa little theater ng kapitolyo probinsiya.
Ang mga magwawagi ay tatanggap ng P3,000 sa unang puwesto, P2,000 sa pangalawa at P1,000 sa ikatlong puwesto kasama rin nito ang medalya at sertipiko naman ng pakikilahok para sa mga hindi pinalad na manalo.
Maliban pa sa paligsahan, isasagawa sa araw ng Lunes (Oktubre 19) sa kapitolyo ang pagtataas ng bandila at maikling programa ganundin ang pamamahagi ng 5,000 Tilapia Fingerlings sa 10 lokal na pamahalaan dito.
Pangungunahan naman ni Gobernador Edgardo A. Tallado ang ribbon cutting para sa pagbubukas ng “Tiangge sa Fiscon 2015” bilang panauhing pandangal at ang pagbibigay ng mensahe kasama sina Acting Provincial Agriculturist Almirante A. Abad, PFCL Chair Julio A. Soria, Board Member Romeo R. Marmol.
Magkakaroon rin ng programa sa radyo ang Fisheries and Aquatic Resource Management Council o FARMC on Air na mapapakinggan sa DWCN-FM Radyo ng Bayan sa kapitolyo probinsiya.
Sa Oktubre 20, isasagawa ang lecture demo sa paggawa ng Fish Kroepeck at Canning na pangungunahan ng technical staff mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Kasama pa rin sa mga gawain ang Seminar on Food Safety and Quality of Fishery Products at Lecture-demo on Fish Sausage at Squid Balls na isasagawa naman sa Oktubre 21 sa inner courtyard ng kapitolyo.
Maliban pa sa gawain, kaalinsabay rin nito na ipapamahagi sa Oktubre 23 sa Provincial Multi-Services Caravan ng pamahalaang panlalawigan ang Tilapia fingerlings, binhi ng Pili at mga butong pananim ganundin ang Lecture demo sa paggawa ng ibat-ibang luto mula sa isda.
Tema ng pagdiriwang ang “Pinatatag na Batas Pangisdaan, Hakbang sa Pagkamit ng mas Masaganang Karagatan”.
Reyjun Villamonte
Camarines Norte News