ALAKING NAGTANGKANG MAGNAKAW SA ISANG BAHAY AT NANAKSAK PA, PATAY MATAPOS BARILIN NG PULIS SA BAYAN NG MERCEDES!  

ALAKING NAGTANGKANG MAGNAKAW SA ISANG BAHAY AT NANAKSAK PA, PATAY MATAPOS BARILIN NG PULIS SA BAYAN NG MERCEDES!  

Mercedes, Camarines Norte (Oktubre 20, 2015) – Napatay ng isang pulis sa bayan ng Mercedes ang isang lalaki matapos nitong pagsasaksakin ang biktimang tinangka nitong pagnakawan sa mismong bahay nito sa P-2, Barangay 2, sa naturang bayan bandang 10:20 kagabi (Oktubre 19, 2015). 

Batay sa ulat ng Mercedes Municipal Police Station (MPS), mahimbing na natutulog ang biktimang si Crisanta Pajarin y Quilang sa sala ng kanilang bahay nang pumasok ang suspek na si Henry Parpan y Mendoza na may dalang patalim at may takip ang mukha. Bigla na lamang umanong nagising si Pajarin ng biglang takpan ng suspek ang bibig nito at nanghingi ng pera. 

Tumanggi ang biktima sa hinihingi ng suspek na siyang naging dahilan upang hilahin ito patungo sa isang kwarto at makailang ulit na pinagsasaksak. Sumigaw naman ng tulong ang biktima na narinig ng ilang barangay tanod sa lugar at humingi rin kaagad ng tulong sa mga pulis. 

Rumesponde sa pinangyarihan ng insidente sina PO2 Mark Patricio, PO3 Virgilio Baranian, at PO1 IO Morris Cuevas. Sinubukan pang pakalmahin ng mga alagad ng batas ang suspek na hawak pa rin ang duguang biktima, subalit sa halip na sumuko ay dinala pa nito si Pajarin sa palikuran ng bahay at patuloy na pinagsasaksak. Dito na pinaputukan ni PO2 Patricio ang suspek sa katawan nito na naging sanhi ng agaran nitong pagkamatay.

Mabilis namang sinugod si Pajarin sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) na nagtamo ng ilang saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito at kasalukuyan nang nagpapagaling.

Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.