6 ANYOS NA BATA, PATAY MATAPOS MAKURYENTE SA NAKALAYLAY NA KABLE SA LABO CAMARINES NORTE!

Oktubre 24, 2017, Labo, Camarines Norte – Hindi na nakaligtas pa ang isang batang babae matapos itong aksidenteng makuryente ng nakalaylay na kable ng kuryente sa Purok 2 Brgy. Mabilo 1, Labo, Camarines Norte.

Ayon sa pahayag ni Zandy Francisco, ina ng biktima, dakong 1:30 ng hapon kahapon, Oktubre 23 nang nagpaalam umano ang anim (6) na taong gulang na anak na si Wendy Gail Francisco na bibili sa tindahan.

Hindi umano ito pinayagan ng ginang dahil umuulan ng pagkakataong iyon subalit naging mapilit umano ang bata at nangakong babalik agad dahilan para payagan na umano ito ng ginang.

Laking gulat nalang umano ng ginang nang makalipas ang ilang minuto ay makarinig ito ng sigawan at napag alamang nakuryente na ang anak matapos mapadikit ito sa nakalaylay na kable ng kuryente sa lugar.

Agad naman umanong dinala sa ospital ang biktima subalit idineklara itong dead on arrival.

Ayon sa pamunuan ng CANORECO, nagshort circuit diumano ang transformer sa lugar ng pinangyarihan dahilan upang maputol ang kable nito na siyang aksidenteng lumaylay at dumikit sa bata.

Samantala, umaapela naman ng tulong mula sa naturang tanggapan ang nanay ng biktima.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *