2 PATAY, 1 SUGATAN SA BAKBAKAN NG MILITAR AT NPA SA BAYAN NG LABO!

12193763_980099358699917_6894344070157032143_n

Phto Credit to Ricky Pera

Labo, Camarines Norte (Nobyembre 1, 2015) – Patay ang isang sundalo at isang miyembro ng CAFGU habang sugatan ang isa pa nang sumalakay ang hindi pa mabatid na bilang na mga miyembro ng CPP-NPA-NDF (CNN) sa isinasagawang tulay sa Sitio Namukanan, Brgy. Daguit, Labo, Camarines Norte bandang alas-11 kagabi (Oktubre 31, 2015).

Batay sa pagsisiyasat ng mga otoridad, magkasamang binabantayan ng mga elemento ng 49th Infantry Battalion at CAFGU Active Auxilliaries (CAA) mula 22nd Infantry Battalion (CAFGU) ang paggawa sa Namukanan Bridge na proyekto ng pamahalaan nang biglang umatake ang mga rebeldeng grupo.

12193668_980099522033234_922633911138035063_n

Photo Credit to Ricky Pera

Tumagal ang engkwentro ng mahigit sa isang oras bago umatras ang mga NPA. Patay sa sagupaan sina  Private Reymark Camila Regore (49IB) at CAA Anthony M Aceron (22IB CAFGU), habang nasugatan naman si Private First Class Jhelor P Caranzo.   Maliban dito, nakuha sa mga sundalo ang 3 HPFAs (2 M14, 1 M16) habang may narekober naman silang M16 rifle mula sa mga rebelde.

Ayon kay Southern Luzon Command (SOLCOM) Chief Liuetenant General Ricardo R. Visaya, napagtagumpayan umano nila ang plano ng NPA sa pagsira ng mga kagamitan at pagsabotahe sa proyekto; binantayan nila ang naturang proyekto na makatutulong sa mga mamamayan; subalit nagbunsod ito ng pagkawala ng 2 sa kanilang mga tauhan na matapang na naglingkod para sa bayan.

Ayon sa press statement ng SOLCOM, nangyari ang pag-atake ng NPA makaraang tumanggi ang contractor na magbigay ng pera nang kikilan sila ng rebeldeng grupo.

Ayon naman kay 49th IB Commander Lieutenant Colonel Medel Aguilar, pansamantala nilang isinara ang highway matapos ang insidente upang alisin ang mga nakaharang sa daan at mga Improvised Explosive Devices (IEDs) na itinanim ng NPA. Bandang alas-6 naman kaninang umaga (Nobyembre 1, 2015) nang buksan ulit ang daanan matapos itong malinis at matagumpay na ma-diffuse ang mga hindi sumabog na IEDs.

12196356_980099275366592_7453788199073131439_n
12194913_1514122268910209_5896840669109290504_o
12195041_1514122325576870_6911028782990111420_o
12189458_1514122332243536_3119635440556838079_o
12186649_1514122285576874_2401894468325238778_o
12182621_1514122345576868_286273712867878566_o

 (Photo Credits: Camarines Norte Ppo FB Page)

Mariing kinondena ng SOLCOM ang isinasagawang pag-atake ng makakaliwang-grupo sa mga iba’t ibang proyekto ng pamahalaan tulad ng tulay at kalsada. Ang mga ganitong pangyayari ay nagbubunsod lamang umano ng mga dahilan upang maantala ang pag-unlad ng malalayong barangay sa pamamagitan ng mga produktong dinadala patungo sa kanayunan gamit ang mga proyektong imprastraktura ng pamahalaan.

Sa panig naman ng mga kapulisan, matapos na matanggap ng Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO) ang impormasyon hinggil sa pangyayari, agaran namang tinipon ni Police Senior Superintendent Harris R Fama, Officer-in-Charge, ang  Crisis Management Committee at inalerto ang lahat ng himpilan ng pulisya at agarang pinadala ang Public Safety Forces upang suportahan ang Philippine Army.  

Inabisuhan naman sa pamamagitan ng Cam Norte PNP Text Blast ang mga LGU officials, mga Non-Government Organizations (NGOs) at iba pang grupo hinggil sa pagpapasara ng Sta. Elena – Daet Road bunsod na rin ng harassment na ginawa ng CNN.

Isa namang Joint investigating teams ng Provincial Investigation and Detective Management Branch (PIDMB) ng CNPPO, Labo MPS, EOD personnel at SOCO  ang pinadala sa lugar upang magsagawa ng imbestigasyon. 

Ang mga nakuhang mga ebidensya tulad ng Improvised Explosive Devices (IEDs) ay itu-turn over sa Provincial Crime Laboratory Office para sa eksaminasyon.

 Samantala, hanggang sa oras ng pagsulat ng balitang ito ay wala pang opisyal na pahayag na pinapalabas ang panig ng NPA hinggil sa pangyayaring ito.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.