CAMP ELIAS ANGELES Pili, Camarines Sur– Dalawang bangkay ng New People’s Army (NPA) ang nahukay ng mga sundalo at PNP makaraang madiskubre ang grave site ng mga rebelde sa boundary ng Brgy Daguit sa Bayan ng Labo at Brgy Tamisan, Jose Panganiban sa Lalawigan ng Camarines Norte dakong alas 10:00 ng gabi, Disyembre 4.
Ayon kay Col. Ferozaldo Paul T. Regencia, Acting Commanding Officer ng 49th Infantry Battalion positibong kinilala ng isang sibilyan na siyang nagturo sa pinagbaunan ng mga bangkay na sina Ka James at Ka Omar. Napag-alaman na ang nahukay na mga bangkay ay kabilang sa mga nasawing rebelde sa isinagawang pag atake ng mga ito sa mga sundalo noong Oktubre 31 sa Sityo Namukanan, Brgy Daguit ng nabanggit na bayan.
Patuloy naman na nakikipag-ugnayan si Maj. Marcial M. Lumanga, Executive Officer ng naturang batalyon sa PNP SOCO para sa pagkakakilanlan ng mga nasawing NPA.
Handa naman ang Philippine Army na bigyan ng marangal na libing ang mga nasawing NPA na basta na lamang ibinaon ng mga nagsitakas nilang mga kasamahan.