Jose Panganiban, Camarines Norte (Nobyembre 15, 2015) – Naaresto ng pinagsanib na pwersa ng mga awtoridad ang apat na kataong pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga sa bayan ng Jose Panganiban kanina (Nobyembre 15, 2015).
Bandang alas 5 ng umaga ng magtungo ang mga miyembro ng Jose Panganiban MPS kasama ang CNPPSC, PIB, PIDMB, PCRB, CN-CIDT, 49th IB Phil Army, PDEA at ilang mga imbestigador mula sa iba’t ibang Municipal Police Station sa pamumuno ni PS/Supt. Rodolf Dimas, Provincial Director, sa iba’t ibang barangay ng Jose Panganiban upang isagawa ang nasabing operasyon.
Ang isinagawang “One Time Big Time Operation” ng PNP ay bahagi ng ng pagpapatupad ng mga pinaigting nilang programa na layong sugpuin ang iba’t ibang krimen sa bansa katulad ng may kaugnayan sa Syndicated Crimes, Illegal Drugs, Loose Firearms at ilan pang krimen.
Isinilbi ng grupo ang 6 na magkakaibang Search Warrants na nauna ng inihain sa sala naman ni Hon. Arnel A. Dating ng RTC Branch 41, Daet Camarines Norte laban sa 13 katao sa bayan ng Jose Panganiban.
Nagresulta ang naturang operasyon sa pagkakaaresto sa apat ng katao gayundin sa pagkakarekober mula sa mga ito ng ilang sachets ng pinaghihinalaang shabu, isang pinaghihinalaang marijuana plant na 3-talampakan ang taas gayundin ang mga pinatuyong dahon nito, isang cal. 9mm at isang piraso ng magasin nito na kargado ng pitong (7) live ammunition, isang hand grenade, isang short firearm na may isang bala, hinihinalang drug money na nagkakahalaga ng 320 piso, isang air gun at iba’t ibang uri ng mga drug paraphernalias.
Samantala, kasalukuyang nasa kustodiya ng Jose Panganiban MPS ang mga naarestong suspek pati na ang mga nakumpiskang ebidensya para sa karampatang disposisyon ng mga ito.
Camarines Norte News