PAGTITIPON NG MGA KABATAAN, TAMPOK SA PAGDIRIWANG NG NATIONAL CHILDRENS MONTH SA CAMARINES NORTE!

Childrens-month-608

DAET, Camarines Norte, Nobyembre 24 (PIA) — Naging tampok ang pagtitipon ng mga kabataan sa pagdiriwang ng National Childrens Month sa lalawigan ng Camarines Norte kaugnay sa isinagawang Child-Friendly Movement Assembly at awarding ceremony kamakailan sa kapitolyo pobinsiya.

Sa bahagi ng programa ay nagbigay ng mensahe ang panauhing pandangal sa pamamagitan ni Kaylene L. Fernandez, Sales Executive, Voyager Innovation ng Subsidiary of Smart Communications.

Sinabi ni Fernandez na ang pamahalaan at ang mga pribadong sektor ay nakapagpatayo ng instutusyon na kumikilos para matulungan ang mga kabataan, isa na dito ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ginagawa ang lahat upang iligtas ang mga inaabusong mga kabataan at bigyan sila ng magandang kinabukasan.

Ayon pa kay Fernandez, kabilang pa rin ang Bantay Bata 163 ng ABS-CBN na laging tumutulong sa mga batang mayroong sakit o mga inabuso at hinihikayat tayong tumulong sa anumang paraan habang sila ay nananawagan sa telebisyon.

Ganundin ang United Nations Children’s Fund (UNICEF) na patuloy sa pagpapalaganap at pagbibigay impormasyon para sa kampanya upang wakasan ang pang-aabuso sa mga kabataan at ang Department of Education (DepEd) naman ay gumagawa ng paraan upang hindi magkaroon ng mga pang-aabuso sa loob ng mga paaralan, dagdag pa ni Fernandez.

Hinikayat din ni Fernandez ang mga magulang na tumulong sa anumang bagay o paraan sa pamamagitan ng pagbibigay ng damit, kagamitan sa eskuwela at iba na makakatulong upang maging masaya ang mga kabataan.

Nagbigay rin ng mensahe si Acting Governor Jonah Pimentel kaugnay pa rin sa naturang selebrasyon na ang pamahalaang panlalawigan ay lubos ang pagpapahalaga sa mga kabataan dahil darating ang panahon na sila ang huhubog ng kinabukasan ng ating bansa.

Aniya, sa kabuuang populasyon ng lalawigan ng Camarines Norte na 575,000 ay umaabot sa 243,000 ang makokonsiderang mga kabataan dito ayon sa datus ng PPDO.

Maliban pa dito, pinangunahan naman ng Provincial Social Welfare and Development Office (PWSDO) ang Children’s Congress na isinagawa sa Agro-Sports Center ng kapitolyo probinsiya kung saan nagpakita ng talento ang mga kabataan mula sa mga pre schools dito sa pamamagitan ng Choral Group Singing Contest, Cheerdance Competition at Laro ng Lahi.

608-childrens-month-2

Samantala, tumanggap ng gantimpala ang mga nanalo sa “2015 Search for Child-Friendly Barangay kaugnay sa isinagawang ebalwasyon ng Provincial Technical Evaluation Team na kinabibilangan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Education (DepEd) at mula sa pamahalaang panlalawigan ang Provincial Health Office (PHO), Provincial Planning and Development Office (PPDO) at Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).

Muling tinanghal na Most Child-Friendly Barangay ang Brgy. Gubat ng bayan ng Daet na tumanggap ng halagang P100,000 para sa unang puwesto; pangalawa ang  Barangay Bakiad ng bayan ng Labo sa halagang P50,000 at P30,000 para sa ikatlong puwesto ang Barangay Del Rosario ng Mercedes.

Tumanggap rin ng halagang P20,000 ang Barangay Salvacion ng Jose Panganiban para sa ikaapat na puwesto at ikalimang puwesto naman ang Barangay Plaridel ng bayan ng Sta. Elena na tumanggap ng P10,000.

Kasama rin sa gantimpala ang Plaque of Commendation samantalang Certificate of Appreciation naman para sa mga lokal na pamahalaan dito.

Ang mga nanalo ay mga barangay na nakapagpatupad ng katangitanging gawain sa isang partikular na programang pangkabataan base sa pamantayang ipinatutupad ng CFB Provincial Search Committee.

Ang naturang mga gawain ay bahagi sa selebrasyon ng National Childrens Month ngayong buwan ng Nobyembre sa temang “Komunidad at Pamahalaan Magkaisa, Pang-aabuso sa Bata, Wakasan na!”.

Batay rin ito sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 2015-32 na ipinalabas kamakailan ni Acting Gov. Jonah Pimentel na nagtakda sa ibat-ibang komitibang mangangasiwa sa mga aktibidad kaugnay ng naturang selebrasyon.

Nakapaloob din sa kautusan sa lahat ng pamahalaang lokal, pambansang ahensiya at kagawaran, non-government organizations (NGOs), pampubliko at pribadong paaralan, organisasyong pansosyo-sibiko at panrelihiyon at mga mamamayan na magbigay ng kanilang suporta at kooperasyon para maging matagumpay ang selebrasyon dito.

608---childrens-month
608-childrens-month-3

Reyjun Villamonte

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *