CARETAKER NG ISANG BAHAY SA BAYAN NG TALISAY, NAISAHAN NG MAGNANAKAW!

Talisay, Camarines Norte (Disyembre 30, 2015) – Pinasok ng magnanakaw ang isang bahay sa bayan ng Talisay nitong nakaraang Disyembre 21, 2015 habang nasa Maynila ang may-ari nito.

Batay sa ulat ng Talisay Municipal Police Station (MPS), dumulog sa kanilang tanggapan ang biktimang si Ailene Sacal y Sena, 36 na taong gulang, may asawa, at residente ng P-2, Brgy. Binanuaan, Talisay kahapon (Disyembre 29, 2015) upang ipatala ang insidente ng pagnanakaw sa loob ng kanyang bahay.

Ayon kay Sacal, matapos maglinis sa bakuran ng likod-bahay ang caretaker nilang si Virgie Tura y Jaba napansin na lamang nitong bukas na ang pinto ng isang kwarto at sira na ang padlock nang pumasok ito sa bahay. Agad nitong tinignan ang loob ng kwarto at natuklasang bukas na ang isang cabinet at nawawala na ang ilang gamit.

Napag-alaman din sa imbestigasyon ng mga otoridad na bukas ang pinto sa harapan ng bahay habang naglilinis ang caretaker at pinaniniwalaang dito dumaan ang hindi pa nakikilalang kawatan.

Nakuha ng suspek ang isang gintong singsing, isang pares ng gintong hikaw na nagkakahalaga ng humigit kumulang P4,000, at isang 9mm na lisensyadong baril na pagmamay-ari ng tiyuhin ni Sacal.

Samantala, patuloy ang isinasagawng imbestigasyon ng pulisya sa posibleng pagkakakilanlan at ikadarakip ng suspek.

Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.