Sta. Elena, Camarines Norte (Nobyembre 30, 2015) – Mabilis na naagapan ang isang sunog na sumiklab sa isang kubo na nasa paligid ng Virgin Mary Parish Church sa Brgy. Tabugon sa bayan ng Sta. Elena bandang alas-11 kahapon (Nobyembre 29, 2015).
Batay sa ulat ng Sta. Elena Municipal Police Station (MPS), isang miyembro ng Kabalikat Civicom ang nagbigay ng impormasyon sa sunog na nagaganap sa naturang lugar. Agad namang inalarma ng mga otoridad ang Bureau of Fire Protection – Sta. Elena (BFP) at mabilis na rumesponde sa insidente.
Naapula naman kaagad ang naturang sunog sa pagdating ng pamatay-sunog at idineklara na ring fire-out makalipas ang ilang minuto.
Ayon sa isinagawang imbestigasyon ng BFP-Sta.Elena, nagmula ang sunog sa isang kwitis na aksidenteng nahulog sa nabanggit na kubo na malapit sa simbahan. Wala namang naitalang sugatan sa insidente ng sunog, samantalang patuloy pa rin ang pagtataya sa kabuuang halaga ng mga nasunog.
Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News