Daet, Camarines Norte (Disyembre 21, 2015) – Nakahanda na ang Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) kasunod ng pagtataas ng Department of Health (DOH) ng “Code White” status sa lahat ng pampublikong pagamutan sa bansa simula ngayong araw (Disyembre 21, 2015) hanggang Enero 5, 2016 kaugnay sa darating na kapaskuhan at bagong taon.
Ayon kay Dra. Myrna Rojas, Provincial Health Officer, handa na umano ang buong kawani ng CNPH, gayundin ang mga gamot at kagamitan bilang pagsuporta sa kampanya ng DOH na Aksyon Paputok Injury Reduction (APIR) na naglalayong mabawasan ang mga nabibiktima ng paputok sa mga ganitong panahon. Dagdag pa ni Dra. Rojas na alinsunod sa kautusan ng DOH, siniguro na rin umano nilang sapat ang mga magiging medical personnel na kakailanganin para sa mga mapuputukan at iba pang insidente.
Samantala, bagama’t mababa ang mga naitalang bilang ng mga biktima ng mga paputok sa Camarines Norte kumpara sa ibang lalawigan sa buong rehiyong Bikol nitong mga nakaraang taon, nanawagan pa rin ang pamununan ng CNPH sa mga lokal na pamahalaan na maging katuwang nila sa programa ng DOH.
Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News