Daet, Camarines Norte (Disyembre 24, 2015) – Ilang oras bago sumapit ang araw ng kapaskuhan ay dinagsa ng mga mamimili ang mga supermarket at grocery stores sa lalawigan ng Camarines Norte para sa kani-kanilang ihahanda sa Noche Buena, gayundin ang ilang mga department stores at mall para sa last minute shopping.
Sa bayan ng Daet, dumoble ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa ilang mga pangunahing lansangan simula kaninang tanghali dahil na rin sa dami ng mga taong namimili at mga sasakyang walang maparadahan. Sa kabilang dako ay siniguro naman ng Camarines Norte Provincial Police Office (CNPPO) na kontrolado pa rin nila ang kaayusan sa mga ganitong sitwasyon partikular na sa mga peak hours ng pamimili.
Ayon kay PS/Supt. Rudolph Dimas, Police Provincial Director, mahigpit ang kanilang ginagawang pagsasaayos sa daloy ng trapiko, gayundin sa katahimikan at katiwasayan sa mga sentro ng kalakalan sa bawat bayan. Nagpakalat na rin umano sila ng karagdagang pulis sa mga lansangan, pamilihang bayan, terminal ng bus, ATM booths, simbahan, at ilan pang matataong lugar upang mapanatili ang kaayusan at hindi na ituloy pa ng masasamang-loob ang kanilang mga binabalak.
Nagpaalala rin ang kapulisan na maging maingat sa mga kagamitan at mga pinamili upang hindi mabiktima ng pandurukot. Huwag na rin umanong magsuot ng mga mamamahaling alahas sa pamimili upang hindi makapanghikayat pa ng mga kawatan.
Samantala, tuluy-tuloy din ang isinasagawang monitoring ng Department of Trade and Industry – Camarines Norte (DTI) sa mga presyo ng mga produktong madalas na binbili ngayong panahon ng kapaskuhan. Binigyang-diin ng naturang kagawaran na dapat umanong sundin ng mga nagtitinda ang kanilang itinakdang Suggested Retail Price (SRP). Nagpaalala rin ang DTI sa mga mamimili na agad idulog sa kanila tanggapan ang mga establisyimentong hindi sumusunod sa kanilang panuntunan upang mabigyan ng legal na aksyon.
(photo credits: Gian Grijalvo)
Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News