LALAKING PATAWID SA BAYAN NG TALISAY, SUGATAN MATAPOS MAHAGIP NG PAMPASAHERONG JEEP!

608

Talisay, Camarines Norte (Enero 5, 2015) – Sugatan ang isang lalaki makaraang mahagip ito ng pampasaherong jeep na byaheng Labo-Daet habang patawid sa bahagi ng Maharlika Highway na sakop ng P-1, Brgy. Sto Niño, Talisay, Camarines Norte bandang alas-9 kagabi (Enero 4, 2015).

Batay sa imbestigasyon isinagawa ng Talisay Municipal Police Station (MPS), habang bumabyahe ang naturang jeep patungo sa bayan ng Daet na minamaneho ni Manuel Nazareno Y. Pider, 40 taong gulang, at residente ng Greenbelt Subd., Brgy. Alawihao, Daet, Camarines Norte, ay aksidente nitong nahagip ang biktimang si Joel Pahimulin Y Doe, 28 taong gulang, may asawa, construction worker, at residente ng P-1, Brgy. Sto. Niño, Talisay Camarines Norte bago pa man makatawid.

Nagtamo si Pahimulin ng iba’t ibang sugatan sa katawan na agad din namang dinala sa Camarines Norte Provincial Hospital at kasalukuyan pa ring ginagamot.

Sumuko rin naman kaagad ang suspek na si Nazareno matapos nitong tumakas nang mangyari ang insidente. Ayon kay Nazareno, natakot umano ito baka saktan ng mga kamag-anak ng biktima.

Samantala, pinaniniwalaan namang nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin si Pahimulin nang ito ay maaksidente.

Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.