LALAKING SAKAY NG MOTORSIKLONG BUMANGGA SA PATROL VEHICLE NG PNP SA BAYAN NG DAET, HINDI NA UMABOT NG BUHAY SA OSPITAL

608

Daet, Camarines Norte (Enero 7, 2015)Dead On Arrival (DOA) sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) ang isang lalaki matapos itong bumangga sa isang sasakyan ng mga otoridad sa P-5, Brgy. II, bayan ng Daet bandang alas-10:30 kagabi (Enero 6, 2015).

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Daet Municipal Police Station (MPS), nagpapatrolya sa Brgy.II sina PO2 Gilbert Morales, 31 taong gulang, may asawa, nakadestino sa Police Community Precinct 1 (PCP-1), at residente ng P-1, Brgy. Lag-on, ng naturang bayan na siyang nagmamaneho ng sasakyan kasama si PO2 Jeffrey Berzuela sakay ng Philippine National Police (PNP) Patrol Vehicle, Mahindra na may body number 067, pagdating ng mga otoridad sa kanto ng Luisito St., ay sumenyas ang mga ito upang kumaliwa sa F. Pimentel Ave. gamit ang signal light ng sasakyan patungo sa sentro ng Daet. 

Nagulat na lamang ang dalawa nang biglang salpukin ang kanilang sasakayan ng isang motorsiklong may temporary plate number na 052403 na minamaneho ni Charl Marc Campo, 22 taong gulang, at residente ng Brgy. Tulay na Lupa, Labo, Camarines Norte. 

Ligtas ang dalawang pulis sa lakas ng pagbangga na taliwas naman sa kinasapitan ni Campo na lumusot pa ang katawan sa ilalim ng patrol vehicle. Mabilis namang rumesponde anga personahe mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang isugod si Campo sa panlalawigang pagamutan subalit idineklara na rin itong DOA ng umasikasong doktor.

Napag-alaman pa sa imbestigasyon na nakapatay ang headlight ng motor ni Campo habang nagmamaneho, may helmet din ito ngunit hindi nakasuot, walang Driver’s License, at nasa impluwensiya rin ng nakalalasing na inumin.

Samantala, nasa pangangalaga na ng Daet MPS ang mga sasakyang nasangkot sa naturang aksidente.

Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.