Jose Panganiban, Camarines Norte (Enero 14, 2016) – Duguan at wala nang buhay ang isang lalaki sa bayan ng Jose Panganiban nang matagpuan ito ng mga ototidad nitong nakatalikod na Martes (Enero 12, 2016) bandang alas-8 ng umaga sa Purok 6, Barangay Luklukan Norte ng naturang bayan.
Batay sa ulat ng Jose Panganiban Municipal Police Station (MPS), dumulog sa kanilang tanggapan ang mga barangay kagawad ng Luklukan Norte na sina Roderick Taburnal at Roberto Cam upang iulat ang pagkakatagpo nila sa katawan ng biktimang si Manuel Referente y Ani, 73 taong gulang, may asawa, magsasaka, at residente ng Purok 6, Barangay Luklukan Norte, Jose Panganiban, Camarines Norte,
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na alas-2 ng hapon ng Enero 11, 2016 (Lunes) nang umalis si Referente sa kanilang tahanan at pinaniniwalaang nagtungo sa pinag-aawayang lupaing sakahan na pagmamay-ari ng suspek na si Jose Ely Guevarra y Prongoso, 61 taong gulang, may asawa, isa ring magsasaka, at residente ng kaparehong lugar. Lumipas ang magdamag subalit hindi nakauwi ang biktima hanggang sa nag-desisyon na ang pamilya Referente na hanapin ang biktima bandang alas-7:30 ng umaga ng Enero 12, 2016.
Dito na natagpuan si Referente na nagmistulang naliligo sa kanyang sariling dugo. Ayon pa rin sa imbestigasyon, bago ang insidente ay napag-alamang nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng biktima at ni Guevarra kaugnay ng pagmamay-ari ng mga puno ng niyog na nakatanim sa pinag-aagawang lupain.
Natagpuan sa pinangyarihan ng krimen ang isang pares ng gloves, short pants, sponge foam, at isang t-shirt na pinaghihinalaang may mantsa ng dugo.
Samantala, inimbitahan naman sa himpilan ng pulisya ang suspek habang patuloy pa rin ang isinasagawang pagsisiyasat.
Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News